Kung feeling n'yo, nagkakalamigan na kayo... Mga dapat gawin para muling sumigla ang pagsasama

Maraming mag-asawa ang dumarating sa puntong nawawalan na ng gana at nagkakasawaan sa isa’t isa. Marahil, sa tagal ng kanilang pagsasama, kaya alam na nila ang lahat-lahat sa pagkatao ng kanilang partner at wala nang maitago pa.
Puwede ring dahil sa over familiarity o sobrang pagkakilala sa asawa, kaya pati sasabihin at ikikilos ay knows mo na. Pero, paano kung ang pagtamlay ng relasyon ng mag-asawa ay humantong sa pagkasira ng pamilya? Heto ang ilang tips para sumiglang muli ang lumalamig na pagsasama:
1. UNAHIN ANG PARTNER. Ipadama mo sa iyong partner na siya ang pinakaimportanteng tao sa buhay mo kung saan happiness niya at ng mga anak n’yo ang mahalaga sa iyo. Gayundin, palagi mong asikasuhin ang kanyang needs bago ang iba pang gagawin. Kapag ito ang priority mo, siguradong makukuha mo ang kanyang tiwala at magiging mabuti siya sa iyo.
2. BAGUHIN ANG PANGIT NA UGALI. Sa halip na i-nag o singhalan ang iyong partner kapag may maling nagawa sa iyo, mas mabuting ngitian siya at dagdagan ang pasensiya. Makinig muna sa paliwanag niya kesa mag-react nang galit sa kanya para hindi na humantong pa sa pagtatalo ang inyong usapan. Kapag ito ang ginawa mo, sure na maiiwasang lumala ang pagtatalo n'yong dalawa.
3. MAGLAAN NG ORAS. Magbigay ng time na kayong dalawa lang ang magkasama bukod sa pagtatabi sa pagtulog. Halimbawa, yayain siyang manood ng sine, kumain sa labas, magkape, manood ng TV at maglaro ng computer games o samahan siyang magpa-haircut. Maraming puwedeng pagkaabalahan na simple at kayong dalawa lang. Bigyan palagi ng schedule ang inyong date kahit once a week.
4. PALAGING MAGSABI NG ‘I LOVE YOU’. Ang magmahal ay kusang nararamdaman at hindi lamang emosyon. Kapag narinig ang mga salitang ito, siguradong huhupa agad ang kahit anong galit meron ka. Maganda ring magsabi ng compliments at kung sakaling may nagawang mali, magsabi naman sa kanya ng “I’m sorry”. Para itong napakabisang gamot na magpapagaling sa sakit na dumapo sa katawan natin.
5. KAIBIGANIN ANG MGA POSITIBONG TAO. Piliin mo ang mga taong may pagpapahalaga at may maayos na samahan ang pamilya dahil nakatutulong ito para mag-mature ka sa mga desisyon sa buhay. Gayundin, mapupuno ng magandang bagay ang iyong isipan. Iwasang makisama sa mga tao na walang alam kundi manira ng kapwa dahil maaaring makasira pa ito sa relasyon n'yong mag-asawa.
6. KUMONSULTA SA MARRIAGE COUNSELOR. Minsan, sa tindi ng away, wala na kayong pinakikinggan kundi ang sariling katwiran. Huwag n’yong pabayaang tumagal ang inyong conflict at mainam na yayain siyang pumunta sa marriage counselor. Makatutulong siya nang malaki para maresolba ang mga pinagtatalunan n’yong dalawa.
Ang relasyon ng mag-asawa ay mahalagang pundasyon sa pagkakaroon ng maayos na pamilya. Kapag may magandang samahan ang mag-asawa, siguradong magiging modelo sila ng kanilang mga anak. Tandaan, mas mainam na punuin ng pagkakaintindihan at pagmamahalan ang inyong pagsasama. Gets mo?





Comments