Mag-inang edad 93 at 62 pinagbabaril, patay
- V. Reyes
- Feb 23, 2020
- 1 min read

Patay ang mag-inang senior citizens nang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa Bgy. Holy Spirit, Quezon City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Police Lt. Col. Elmer Monsalve, ang mga biktima na sina Emilia Rumor, 93, at Brenda Rumor, 62, kapwa residente ng Bgy. Holy Spirit habang sugatan ang kaanak nilang si Nancy Rumor Johnson.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Batasan Police Station (PS6), alas-8:58 ng gabi nang tambangan ng suspek ang tatlong biktima sa loob ng sinasakyang puting Mitsubishi Montero.
Pababa ang mga biktima mula sa sasakyan at papasok ng kanilang bahay nang pagbabarilin ng suspek.
Dead-on-the-spot si Emilia dahil sa tinamong dalawang tama ng bala ng baril sa ulo habang si Brenda ay binawian ng buhay sa ospital at si Nancy ay nagtamo ng daplis sa katawan at nasa maayos nang kalagayan.
Mabilis namang tumakas ang gunman na naka-jacket, sumbrero at face mask.
Blangko pa ang pulisya kung ano ang motibo at nasa likod ng krimen at patuloy nang sinisiyasat ng mga awtoridad.





Comments