Drayber na adik sa ML, bawi-lisensiya — LTO
- V. Reyes
- Feb 23, 2020
- 1 min read

Photo: Maymay Quimpo (left)
Mahigpit na ipinagbabawal ng Land Transportation Office (LTO) sa mga drayber ng jeep gayundin ng iba pang mga pampublikong sasakyan na maglaro ng mobile games habang nagmamaneho.
Binigyang-diin ni Roberto Valera, deputy director ng LTO Law Enforcement Unit, delikadong madisgrasya o makadisgrasya ang paglalaro habang pumapasada dahil nawawala ang tingin sa kalsada.
“Ipinagbabawal po ‘yan. ‘Pag nawala lang ang iyong paningin ng ilang seconds, puwede magresulta ‘yan ng banggaan,” ani Valera. Nauna nang nag-viral ang video ng jeepney driver na naglalaro ng Mobile Legends habang bumibiyahe.
Sinabi ng LTO na bagamat, natunton na nila ang nag-viral na jeepney driver, hindi pa ito lumulutang sa kanilang tanggapan sa kabila ng show cause order na ipinadala rito.
“Nasa Section 27 Republic Act 4136 ‘yan na ‘pag ang driver ay considered as an improper person to drive, puwede ‘yan i-suspend o i-revoke ang drivers’ license,” dagdag pang paliwanag ni Valera.
Sinabi naman ng isang eksperto na posibleng may digital addiction o gaming addiction ang jeepney driver na itinuturing ng World Health Organization (WHO) na isa nang uri ng sakit.
“The urge or the impulse to use the device or to play the online game ay ‘di na naisasantabi in order to make a good judgment,” pahayag ni Dr. Jabbie Remigio, isang clinical psychologist.





Comments