top of page
Korina Sanchez-Roxas - IG.jpg

'Bato', kayang mamatay para kay P-Digong, pero hindi raw sunud-sunuran

  • Korina Sanchez
  • Feb 23, 2020
  • 1 min read

Paano ang Pilipinas kumpara sa nasa 11, 000 empleyado ng ABS-CBN kung sakaling tuluyan itong magsara? Ito ang ipinupunto ni Sen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa.

Siguro, dapat ilista ni Sen. Dela Rosa ang lahat ng ginawang masama o pananamantala ng ABS-CBN sa bansa o sa mamamayan para mabigyang-katwiran ang kanyang pahayag.

Sa pagkakaalam natin, ang ABS-CBN ay may serbisyong-publiko, may mga programang kawanggawa, tumutulong sa oras ng kalamidad, may mga programang nagbibigay ng kasiyahan at higit sa lahat ay nagbibigay ng impormasyon sa publiko sa pamamagitan ng mga balita.

Nagsalita na rin ang BIR kung saan nilinaw ni BIR Deputy Comm. Arnel Guballa na walang utang na buwis ang ABS-CBN kaya ano ang kasalanan nito sa bayan na tila mas mabigat kumpara sa 11,000 empleyado na mawawalan ng trabaho?

Ipinaalam na rin ni Sen. Dela Rosa kung saan siya tapat at hindi ito sa taumbayan kahit ito ang naghalal sa kanya.

Ang kanyang taos-pusong katapatan ay tila para lamang kay Pangulong Rodrigo Duterte at hindi sa mamamayan kung saan nagpahayag siya na “live and die with the president”. Pero dagdag niyang may sarili siyang isip at hindi bulag-bulagang susunod sa pangulo — kayo na lang ang sumubok na intindihin ‘yan. Tsk!

Kaugnay nito, itutuloy ng Senado ang pagdinig hinggil sa prangkisa ng ABS-CBN ngayong Lunes, Pebrero 24, kahit hindi pa inaaksiyunan ng Kongreso. Inaasahan ang pagdalo ng karamihan ng mga senador na sa totoo lang, matagal na dapat tinalakay ito pero malinaw na tila kinakaladkad ng

Kongreso ang kanilang mga paa. Ito ang unang pagkakataong opisyal na mapag-uusapan ang prangkisa ng istasyon. Abangan!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page