top of page

Mga batayan sa pagtatakda ng piyansa

  • Persida Acosta
  • Feb 23, 2020
  • 3 min read

Nakapaloob sa ating Saligang-Batas, partikular sa Article 3, Section 13, lipon ng mga karapatan, ang mga sumusunod na probisyon:”Section 13. All persons, except those charged with offenses punishable by reclusion perpetua when evidence of guilt is strong, shall, before conviction, be bailable by sufficient sureties, or be released on recognizance as may be provided by law. The right to bail shall not be impaired even when the privilege of the writ of habeas corpus is suspended. Excessive bail shall not be required.”

Batay sa mga nabanggit na probisyon, makikita nating may karapatan ang bawat akusado o nahahabla na magbayad ng piyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya maliban na lang kung ang krimen kung saan siya nasasakdal ay mayroong kaparusahang reclusion perpetua at kapag matibay ang ebidensiya ng pagkakasala.

Sa pagkakataong nais ng akusado na nasasakdal sa salang may kaparusahan na reclusion perpetua na siya ay makapagpiyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya habang nililitis ang kanyang kaso, siya ay maaaring maghain ng petisyon sa husgado kung saan nakabimbin ang kanyang kaso upang hingin na siya ay payagang makapagpiyansa. Ang tawag sa hakbanging ito ay Petition for Bail. Ito ay petisyon na nakasalalay sa diskresyon o pagpapasya ng hukuman.

Sa Petition for Bail, patutunayan ng prosekusyon na malakas at matibay ang ebidensiya ng pagkakasala ng nasasakdal o akusado. Ito ay sang-ayon sa Section 8, Rule 114 ng Rules of Court, kung saan nakasaad ang sumusunod: “Section 8. Burden of proof in bail application. — At the hearing of an application for bail filed by a person who is in custody for the commission of an offense punishable by death, reclusion perpetua, or life imprisonment, the prosecution has the burden of showing that evidence of guilt is strong.

Xxx”

Anumang ebidensiyang naiprisinta na habang dinidinig ang Petition for Bail ay agad na maisasama sa ebidensiya sa mga susunod na pagdinig ng kaso. Subalit, may karapatan ang bawat panig na pabalikin muli sa pagtestigo ang mga saksi na inihain na ng prosekusyon sa pagdinig ng inihaing Petition for Bail.

Ang karapatan ng nasasakdal na magpiyansa o maghain ng kanyang Petition for Bail ay base sa probisyon ng ating Saligang-Batas na ang lahat ng nasasakdal para sa krimen ay mayroong pagpapalagay na sila ay inosente sa krimen kung saan sila ay nasasakdal.

Mayroong iba’t ibang uri ng piyansa na pinapayagan ng hukuman. Ito ay ang mga sumusunod: 1. Corporate surety 2. Property bond 3. Cash bond 4. Recognizance

Ang recognizance ay isang uri ng piyansa kung saan ang nasasakdal ay maaaring hilingin sa husgado na makalaya pansamantala sa kanyang sariling pag-ako ng responsibilidad at tungkuling dumating sa husgado para sa kanyang paglilitis o sa pangangalaga ng ibang tao na responsable (Section 15, Rule 114, Rules of Court).

Sa pagtatakda ng halaga ng piyansa ng hukuman, ang mga sumusunod na gabay ay ang mga magiging batayan ng husgado: a) Financial liability of the accused to give bail; b) Nature and circumstance of the offense; c) Penalty for the offense charged; d) Character and reputation of the accused; e) Age and health of the accused; f) Weight of the evidence against the accused; g) Probability of the accused appearing at the trial; h) Forfeiture of other bail; i) The fact that the accused was a fugitive from justice when arrested; and j) Pendency of other cases where the accused is on bail.

Ipinagbabawal ng batas ang pagpataw ng masyadong mataas na halaga ng piyansa.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page