top of page
GMMTV vs Showbiz All-Star - Star Magic.jpg

Random drug testing vs. mga pasaway na, adik pang drayber

  • Ryan B. Sison
  • Feb 21, 2020
  • 2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Arestado ang pitong jeepney drivers matapos magpositibo sa random drug testing na isinagawa sa Makati sa pagtutulungan ng anti-drug abuse council ng Makati, LTO at Makati Police.

Kasong paglabag sa Republic Act 10586 o Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013 at Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isasampa sa mga naarestong tsuper.

Noong nakaraang linggo, patay ang isa habang sugatan ang pitong estudyante nang araruhin ng jeep habang tumatawid sa pedestrian lane at kalaunang nakumpirma na walang lisensiya at positibo sa droga ang naturang drayber.

At noong Martes, patay ang 17-anyos na ina at 3-buwang gulang na anak matapos masagasaan ng 18-wheeler truck, na ayon sa pulisya, nasa impluwensiya ng droga ang drayber bago pa ito bumiyahe.

Ang mga insidenteng ito ay patunay na marami pa ring drayber ang wala na ngang disiplina, adik pa. ‘Yung tipong wa’ paki sa kaligtasan ng mga pasahero, makabiyahe lang at kumita.

Oo, may mga pangangailangan kayo at ang pamilya n’yo, pero paano ang mga pasaherong naghahanapbuhay din para sa kanilang pamilya?

Kapag nasangkot sa aksidente, anong sasabihin ninyo, pasensiya na, hindi sinasadya? Eh, kung palaging ganu’n ang gagawin ninyo, paano naman ang mga naperhuwisyo?

Lalong nawawalan ng tiwala ang mga komyuter sa pampublikong transportasyon dahil hindi nila alam kung ligtas silang makararating sa kanilang pupuntahan o hindi.

Marami nang aksidenteng nangyari sa kalsada at ilan sa mga dahilan ay nasa impluwensiya ng ilegal na droga ang suspek, kaya ang panawagan natin sa mga awtoridad, regular na gawin sa buong bansa ang random drug testing sa lahat ng drayber, pampublikong sasakyan man ang minamaneho o hindi.

Kung positibo sa ilegal na droga ang drayber, panagutin agad.

Kumbaga, pasensiyahan na lang dahil buhay at kaligtasan ng mga komyuter ang nakasalalay dito.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page