Orcullo at Kiamco, mga naghari sa Texas 10-Ball
- Eddie M. Paez Jr.
- Feb 21, 2020
- 1 min read

Walang nagawa ang mga “masasamang-loob” nang pangunahan ng tubong Bislig, Surigao na si Dennis “Robocop” Orcullo ang isang 1-2-3 na atake ng mga Pinoy sa pagtatapos ng 6th Annual Texas Open 10-Ball Tournament sa palaruan ng Skinny Bob sa Roundrock, Texas.
Bumuntot sa likod ni 2019 SEA Games 10-Ball gold medalist Orcullo bilang segunda ang Cebuanong si Warren “The Warrior” Kiamco samantalang pumangatlo si Billiards Congress of America (BCA) Hall of Famer at dating World 9-Ball king Francisco “Django” Bustamante ng Tarlac. Sa Scotch Doubles, nakipagtambalan si Kiamco kay Ellen Robinson para matangay ang korona sa Scotch Doubles.
Sa huling dalawang laro ng torneo, parehong sina Orcullo at Kiamco ang nasa centerstage. Noong unang paghaharap, dikdikan ang naging laban pero si Orcullo ang nakapagpostura ng tagumpay, 7-6. Sa huling salang sa mesa, hindi pinaporma ni “Robocop” ang “Warrior”, 7-0.
Bukod kay Kiamco, nasingitan din ni Orcullo sa tunggalian sina Naoyuki Oi ng Japan (7-2), Junior Jueco (7-1), Kevin Guimond (7-3), Justin Hall (7-3), John Gabriel (7-1) at Kenny Loftis (7-4) para sa walang mantsang rekord na walong panalo sa walong laro.
Ito na ang pang-apat na korona ng dating world 8-ball champion na si Orcullo sa kanyang nagbabagang arangkada ngayong 2020. Kamakailan ay kinolekta niya ang mga kampeonato ng Music City Challenge (Indiana), Derby City Classic (DCC) 9-Ball Banks at DCC Master of the Table sa Tennessee. Mayroon na ring dalawang iba pang biyahe sa podium ang 40-anyos na bilyarista (2nd, MCC Open at 3rd, DCC 9-Ball).





Comments