top of page
WINNER - DEREK- ‘DI AKO NAGDA-DRIVE NG CAR NA MAY FAKE PLATES_IG _ramseyderek07.jpeg

2 pulis na nag-trip sa transgender sa Makati, kasiraan ng PNP, tama lang na sinibak!

  • Bong Revilla
  • Feb 21, 2020
  • 2 min read

Bong Revilla / Anak ng Teteng!

Hindi ko alam kung matutuwa ako sa ilang opisyal ng Philippine National Police (PNP) dahil palagi na lamang silang may pasabog na ang ending ay nakaladkad na naman sa malaking usapin ang kanilang ahensiya.

Ang pinakahuli ay ang Oplan X-Men na inilunsad ng Makati PNP na tila hindi na naman pinag-isipan ng magigiting nating alagad ng batas na nag-viral at umani ng nasa 4,400 shares at 3,300 reactions sa loob lamang ng isang araw.

Sa mga hindi nakaaalam, ang Oplan X-Men ay transgender profiling na isinagawa noong Valentine’s Day ng elemento ng Makati PNP na huling-huli sa video kaya agad na kumalat sa social media.

Sa video ay kitang-kita sina Patrolman Timmy Paez at Police Corporal Juliel Atal na iniimbitahan sa presinto ang transwoman na si Anne Pelos nang maaktuhan itong naglalakad sa kahabaan ng Makati Avenue.

Mariin ang pagtanggi ni Pelos ngunit, iginiit umano ni Pat. Paez na, “Pupunta lang tayo sa may HQ parang profiling lang naman ‘yan. Iimbitahin lang namin, ma’am, profiling lang ‘yan.”

Dahil tagilid talaga ang insidenteng ito ay marami ang nagpakita ng bayolenteng reaksiyon hinggil sa pangyayaring ito na malinaw na isang malaking paglabag sa karapatang-pantao.

Malinaw na isa itong diskriminasyon kung totoo man ang sinasabi ng mga pulis na isa lamang itong profiling kaya nang sumabog ang isyung ito ay hindi na nagpatumpik-tumpik pa ang hepe ng Makati-PNP na si P/Col. Rogelio Simon at agad na sinibak ang dalawa niyang tauhan.

Kasabay nito ay mariing itinanggi ni Col. Simon na ang Oplan X-Men na umano’y transgender profiling ay hindi bahagi ng kahit anong aktibidades ng Makati PNP.

Marahil, ang naging aksiyon ni Col. Simon ay matapos makarating kay Makati Mayor Abegail Binay ang pangyayari na alam kong hindi ito kukunsintihin ng butihing mayor.

Ang pangyayaring ito ay isa lamang sa patunay na patuloy pa rin ang tinatamasang diskriminasyon ng komunidad ng LGBTQ+ dahil sa kanilang sexual orientation at gender identity.

Ang nakakainit ng ulo, imbes itong mga pulis ang manghuli o sumaway sa mga nang-aalipusta sa mga kaanib ng LGBTQ+ ay sila pa ang pasimuno sa pagtrato nang mali sa mga taong wala namang ginagawang masama.

Sa totoo lang, napakaraming miyembro ng LGBTQ+ ang sobrang matagumpay sa iba’t ibang larangan at may mga industriya na nakopo nila mismo.

Kahit sa showbiz, napakaraming LGBTQ+ na direktor ng pelikula at matataas ang kalibre nila sa paggawa ng pelikula dahil ramdam nila ang pagiging lalaki o babae sa bawat eksenang kanilang ipinagagawa.

Ganyan kataas ang ating respeto sa mga miyembro ng LGBTQ+ kaya hindi sila dapat nakararanas ng diskriminasyon dahil lamang sa kanilang sexual preferences, kasi paglabag talaga ito sa karapatang-pantao.

Sa mga kapatid nating LGBTQ+, makabubuting pag-aralan ninyo ang batas na may kaugnayan sa inyo at alamin ang inyong mga karapatan para hindi kayo nasasamantala.

Anak ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page