Pagbabago sa hatian sa ari-arian pagkatapos ng kasal, puwede lang kung may basbas ng korte
- Persida Acosta
- Feb 20, 2020
- 2 min read
Dr. Persida V. Rueda-Acosta / Magtanong Kay Attorney
Dear Chief Acosta, Ako ay limang taon nang kasal at noong ikinasal kami ng aking asawa ay nakaligtaan naming magkaroon ng kasunduan tungkol sa aming hatian sa mga ari-arian o property relations. Sa totoo lamang ay napilitan lang akong magpakasal dahil sa aking mga magulang. Gayunman, maaari ba naming palitan ngayon ang aming property regime sa pamamagitan ng kasunduan? - Chona
Dear Chona, Nakasaad sa Executive Order No. 209 o mas kilala sa tawag na “Family Code of the Philippines” na ang kasunduan tungkol sa hatian ng mga ari-arian ng mag-asawa ay dapat gawin bago pa man ikasal at kung sakaling ito ay nais baguhin o palitan, maaari lamang ito kapag mayroong court authority, viz:
“Art. 76. In order that any modification in the marriage settlements may be valid, it must be made before the celebration of the marriage, subject to the provisions of Articles 66, 67, 128, 135 and 136. (121)” (Binigyang-diin)
Sa katunayan, ayon sa Korte Suprema sa kasong Pana vs. Heirs of Juanite, Sr. (G.R. No. 164201, December 10, 2012) na isinulat ni Honorable former Associate Justice Roberto A. Abad, kapag naipagdiwang na ang kasal at mayroon nang partikular na rehimen sa hatian ng mga ari-arian, ang mag-asawa ay hindi na pinahihintulutan pang baguhin ito sa pamamagitan lamang ng kasunduan, bagkus, kailangan na ang awtoridad ng korte:
“Post-marriage modification of such settlements can take place only where: (a) the absolute community or conjugal partnership was dissolved and liquidated upon a decree of legal separation; (b) the spouses who were legally separated reconciled and agreed to revive their former property regime; (c) judicial separation of property had been had on the ground that a spouse abandons the other without just cause or fails to comply with his obligations to the family; (d) there was judicial separation of property under Article 135; (e) the spouses jointly filed a petition for the voluntary dissolution of their absolute community or conjugal partnership of gains.”
Ayon sa nabanggit na kaso, sa mga pagkakataon kung saan ang pagbabago sa rehimen ng hatian ng mga ari-arian ay nire-recognize o kinikilala, mapapansin na sa lahat ng mga pagkakataong nabanggit, ang mag-asawa ay kailangang humingi ng pamamagitan (intervention) at pagpayag (approval) ng korte at hindi lamang sa pamamagitan ng kasunduan.
Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa isang abogado.





Comments