Navarrete, nagbabanta kay Santisima sa World C'ship

Determinado si Filipino super-bantamweight challenger Jeo “Santino” Santisima na makamit ang ambisyon nitong maging world champion, habang desidido naman si World Boxing Organization 122-lbs titlist Emanuel “Vaquero” Navarrete na maidepensa sa ika-5th pagkakataon ang kanyang titulo sa paghaharap ng dalawa sa Pebrero 22 sa MGM Grand Garden Arena, Paradise sa Las Vegas, Nevada.
Aminado ang 23-anyos na tubong Aroroy, Masbate na mabigat ang pagdaraanan niyang laban, ngunit, hindi niya pwedeng palampasin ang oportunidad na maisalang sa pandaigdigang kampeonato.
Huhugot ng inspirasyon ang number 5 contender sa kanyang pinagdaanang pagkatalo bago pa man ito magsimula sa kanyang karera sa pro-boxing.
“This has been a dream of mine ever since I was a young boy. To fight for a world title and to be a world champion one day” wika ni Santisima (19-2, 16 knockouts) sa panayam rito ng The Ring. “I felt very discouraged when I got defeated on my first pro fight. But that made me train hard and to be where I am now,” dagdag nito hinggil sa kanyang pagkabigo sa pro-boxing.Tangan ang kanyang 17-game winning streak, sasagupain ni Santisima ang Mexican boxer na may hawak namang 25-fight winning streak sa 30-1 at 26KOs kartada bilang undercard fight ng rematch sa pagitan nina World Boxing Council (WBC) heavyweight champ Deontay Wilder at Tyson Fury.
Naniniwala ang head trainer ni Santisima na si dating bantamweight contender Michael Domingo na, kakayanin ni Santisima na tapatan si Navarrete dahil sa pinanghahawakan nitong matinding puso sa laban, habang hinasa nito ang kanyang abilidad sa counter-punching. “I believe Jeo has a big heart,” sambit ni Domingo.
Habang ganito rin naman ang nakikitang kakayanan ni ALA boxing promoter Michael Aldeguer; “Jeo has shown a lot of heart the past years but it will be different fighting in Vegas, but it will be up to him how he handles the situation.”





Comments