May pangil na ang batas.. Optometrist sa Cebu, sinampulan sa fake news sa COVID-19
- Ryan B. Sison
- Feb 19, 2020
- 2 min read

Mula nang ianunsiyo ng Anti-Cybercrime Group ng Philippine National Police (PNP) na may mga social media post silang iniimbestigahan dahil nagtataglay ng maling impormasyon, sa wakas, may nasampulan na.
Sinampahan na ng kaso ng Philippine National Police ang isang optometrist sa Mandaue City dahil sa pagpapakalat nito ng fake news hinggil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Nag-post sa kanyang Facebook account si Josephil Brian Consuelo hinggil sa umano’y pasyente ng COVID-19 na namatay sa University of Cebu Medical Center.
Ayon sa pulisya, si Consuelo mismo ang natukoy na nagpakalat ng naturang balita na nagdulot ng pagpa-panic sa mga netizen sa Cebu City. Agad umanong sinuri ng pulisya ang katotohanan sa post ngunit, pinabulaanan ito ng administrasyon ng ospital.
Kinasuhan ang optometrist ng paglabag sa Article 154 ng Revised Penal Code kaugnay ng Section 6, Section 4 (online libel) ng Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.
Minsan, ‘yung kagustuhan ng ilan na magpasikat sa social media, ‘yun pa ang nagiging dahilan ng pagkalito at perhuwisyo sa publiko. ‘Yung tipong nagkakagulu-gulo na ang mga netizen, dedma pa rin ang nag-post dahil nakahakot ng likes at share.
Alam nating paulit-ulit na, pero sana, patuloy tayong makinig sa mga awtoridad at hindi sa mga kung anu-anong nababasa sa socmed. Hindi porke maraming likes, comments at share, eh, karapat-dapat nang i-share.
Nariyan ang internet at socmed para makatulong at hindi maging dahilan ng pagkalat ng maling impormasyon.
Gayunman, nauunawaan natin ‘yung iba na gustong makatulong at magbigay-babala, pero sana, maglaan din tayo ng oras para magberipika kung lehitimo ang website, account o page na pinanggalingan ng impormasyon.
Para sa mga nananadya o “troll”, magsitigil na kayo! Wala na nga kayong naitutulong para mapigilan ang pagkalat ng sakit, nagdudulot pa kayo ng takot sa publiko.
Panawagan sa pulisya, patuloy n’yo sanang hanapin at panagutin ang mga sakit sa ulo na ito nang hindi na makapambiktima pa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments