Ex-communist leader, tiklo sa kasong murder

Dinakip ng pulisya ang dating lider ng Communist Party of the Philippines (CPP) na si Rodolfo Salas alyas Kumander Bilog sa Angeles City, Pampanga dahil sa kasong pagpatay.
Si Salas, 72, ay may warrant of arrest para sa 29 bilang ng kasong murder na may kinalaman sa Inopacan massacre sa Leyte na kinasangkutan ng mga hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA).
Alas-5:50 ng madaling-araw nang isilbi kay Salas ang arrest warrant na ipinalabas ni Judge Thelma Bunyi-Medina ng Manila Regional Trial Court Branch 32.
Mapayapa namang sumuko sa pulisya ang dating rebeldeng lider ngunit, nakumpiska umano mula sa kanyang bahay ang isang kalibre .45 pistola, 174 mga bala at dalawang magazines para sa kalibre .45 baril.
Kasalukuyang nakadetine si Salas na maaaring maharap din sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Una nang inaresto noong 1986 si Salas ngunit, nagawaran ng amnestiya ni dating Pangulong Fidel Ramos matapos ang walong taong pagkakapiit.





Comments