170,000 bulok na DYIP, babu na sa Hunyo 30, 2020
- Bong Revilla
- Feb 19, 2020
- 2 min read

Bong Revilla / Anak ng Teteng!
Sa tuwing pag-uusapan ang modernisasyon para sa mga lumang sasakyan hindi lang sa Metro Manila kundi sa buong bansa ay palaging protesta ang isinasagot ng iba’t ibang grupo ng mga tsuper at operators.
Kapag medyo kumikilos na ang pamahalaan sa pagpapatupad ng kanilang pangarap na gawing maayos at moderno ang mga pampublikong sasakyan, partikular ang mga jeepney ay palaging nauuwi sa gulo.
Nag-aalala tayo sa binitawang pangako ng Department of Transportation (DOTr) na hanggang Hunyo 30, 2020 na lamang ang palugit para sa mga bulok na public utility vehicle (PUV) kabilang na ang mga jeepney.
Kaya maraming umaasa na ngayong Hulyo 1, 2020, wala nang makikitang mga bulok na PUV bilang bahagi ng modernization program na inilunsad noon pang 2017.
Lalo pang tumibay ang posisyon ng DOTr hinggil dito nang magsalita mismo si Pangulong Rodrigo Duterte na kapag hindi sumunod ang mga operators ay ipahahatak niya ang mga kakarag-karag na sasakyan.
Ito ay dahil nakasaad sa programa na lahat ng mga jeepney na may edad 15 pataas ay dapat nang palitan ng mga modernong PUVs na pinatatakbo ng Euro 4-compliant diesel engines o electric motors.
Tinukoy din sa programa na ligtas ang makabagong transport system sa mga mananakay at higit sa lahat, para malabanan ang napakalala nang sitwasyon ng ating air pollution.
Sa matagal nga namang panahon ay tila nakaligtaan na ng pamahalaan na bigyan ng solusyon ang problema sa air pollution sa Metro Manila at 80 porsiyento sa problemang ito ay nagmula sa mga bulok na sasakyan, partikular ang jeepney.
At ito rin ang dahilan para maglunsad ng programa ang pamahalaan na isailalim na sa modernisasyon ang mga PUV ngunit, mismong ang mga tsuper at operator ay hindi magkasundo.
Marami sa mga jeepney ang bukod sa luma na ay hindi pa kumpleto ang mga ilaw, kulang sa maintenance at biyahe na lamang nang biyahe na kalaunan ay nasasangkot sa aksidente dahil nawalan ng preno o iba pang kadahilanan.
Dahil dito ay nalalagay sa peligro ang buhay ng ating mga kababayan tulad ng naganap sa Makati City kamakailan na inararo ng jeepney ang grupo ng mga estudyanteng tumatawid na ikinasugat ng marami at isa ang namatay.
Ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), puntirya nilang mapalitan ang nasa 170,000 units ng mga bulok na jeepney na pumapasada pa rin sa buong bansa.
Pangako ng LTFRB na ngayong 2020 ay makukumpleto na nila ang target nilang modernisasyon sa jeepney at mahigit na sa 4,000 units ng modernong jeepney ang nailabas na at kasalukuyang ikinatutuwa na ng mga komyuter.
Kaya lamang ay may bagong banta ang mga transport group na magsasagawa na sila ng tigil-pasada para tutulan ang modernization program ng pamahalaan dahil hindi nila kayang bumili ng bagong pampasadang sasakyan.
Naiintindihan natin ang pinaghuhugutan ng ilang transport groups kung bakit sila tutol, ngunit, higit nating naiintindihan ang pamahalaan kung bakit dapat isulong ang modernisasyon.
Pansamantala ay makikisali na lamang muna tayo sa paghihintay sa ating mga kababayan na umaasang kaya itong ipatupad ng LTFRB at sana ay hindi ito pumalpak!
Anak ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments