top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Sakit ng lipunan, patuloy na kakalat kung patatahimikin ang katotohanan

Fr. Robert P. Reyes
Feb 18, 2020
2 min read

Sinamahan natin noong Pebrero 14, Araw ng mga Puso sina Fr. Albert at Fr. Flavie sa kanilang pagpiyansa sa Metropolitan Trial Court Branch 40, Quezon City kung saan bago ito ay kinailangan nilang isumite ang mga requirements tulad ng mga “mugshots” at finger prints.

At nang matapos ang pagsumite ng mga requirements, pinaghintay na ang lahat sa labas hanggang ibigay na ang Order to Post Bail. Ilang minuto ang lumipas, dumating ang Order to Post Bail at umakyat na ang lahat sa unang palapag ng QC Trial Court upang magbayad sa assessor.

Nagpiyansa ng tig-P10 K ang dalawang pari at pagkatapos magbayad, isinauli ang resibo ng bayad sa MTC Branch 40. Pinaghintay muli ang lahat hanggang sa mapirmahan ng judge ang utos na hindi na aarestuhin ang mga pari.

Hindi lamang ito Araw ng mga Puso kundi araw din ng pagpapahayag ng pagmamahal sa katotohanan kay Inang Bayan. Gayundin, pagpapahayag ng suporta ng simbahan sa mga pari, relihiyoso at laykong namamahayag sa katotohanan at lumalaban para sa karapatang-pantao.

Ano ang mangyayari kung higit na pinahahalagahan ng pamahalaan ang kanyang “magandang imahe” kaysa sa katotohanan at kapakanan ng mamamayan?

Hindi malilimutan ng mamamayan ng China ang kabayanihan ni Dr. Li Wenliang. Siya ay isa sa mga doktor na nakatuklas ng ‘misteryosong sakit’ na naunang tinawag bilang 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (2019 nCoV ARD) at kalauna’y pinangalanan ng World Health Organization (WHO) bilang coronavirus disease (COVID-19).

Matatandaang, pinadalhan niya ng impormasyon ang ibang doktor tungkol sa kakaibang sakit ngunit, sa halip na intindihin ang katotohanang kanyang nais iparating, pinatahimik siya ng awtoridad ng Wuhan City, China, tila pinili ng mga may kapangyarihan sa China na protektahan ang “imahe ng pamahalaan.” At ang masakit, sinampahan pa ng kasong “rumour mongering” o pagkakalat ng tsismis o maling impormasyon ang doktor.

Kasabay ng pagkalat ng babala ni Dr. Li, unti-unti rin ang pagkalat ng sakit kung saan hindi lamang ang China ang naapektuhan kundi maging ang iba’t ibang bansa ay napasok na rin nito.

Sinabi ni Dr. Li, ilang araw bago siya namatay (COVID-19 ang sanhi ng kanyang pagkamatay), “Dapat merong higit sa isang tinig na nagsasalita sa malusog at masiglang lipunan dahil kapag pinatahimik ang mga nagsasabi ng totoo, hindi malayong magkakasakit ang bansa.”

Kung sa halip na pinatahimik ang mabuting doktor ay pinakinggan ito ng pamahalaan, maaaring mas maagang nasugpo ang pagkalat ng epidemya.

Tandaan, hangga’t patuloy ang panggigipit sa mga naghahanap at namamahayag sa katotohanan, mananatiling may sakit ang bansa.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page