top of page
FRANKLY - LEA, TODO-BILIB NA WINNER PA RIN ANG FORGOTTEN ISLAND KAHIT NAG-FLOP _IG _msleas

Extortion, iimbestigahan.. RORO vessel, hinagisan ng dinamita

Mylene Alfonso
Feb 18, 2020
2 min read

Pinasabugan ng improvised explosive device o dinamita ng hindi pa kilalang mga armadong lalaki ang pampasaherong bapor na M/V Virgen de Peñafrancia VI sa pier ng San Pascual, Masbate noong Martes ng umaga.

Ayon kay San Pascual Commander Police Captain King Ashvin Capurcos, naganap ang pag-atake alas-3:32 ng madaling-araw.

Walang nasaktan sa insidente dahil sa wala pang sakay na pasahero ang bapor bagamat, nasira ang life ring nito, pati na ang malaking condenser ng air-conditioning system.

Ang San Pascual ay isang liblib at maliit na bayan sa Burias Island ng Masbate.

Ani Captain Capurcos, sila at ang Regional Mobile Force Battalion 5 ay agad nagsagawa ng pursuit operations sa mga umatake sa Bgy. Busing at Iniwaran na siyang direksiyong tinungo ng mga kriminal sa pagtakas.

Samantala, ayon kay Merian Reyes, may-ari at operator ng nasabing roll-on, roll-off (RORO) vessel na pinasabugan, na naniniwala siyang ang pag-atake ay kaugnay sa kanyang pagtanggi na magbigay ng lagay sa isa umanong taga-munisipyo.

Aniya, Enero 29, 2020 nang pumunta sa kanilang opisina ang isang nagpakilalang ‘Lito’ at humingi ng lagay para sa pagsisimula ng biyahe ng bapor sa kanilang bayan.

Ipinakita ng ginang ang kopya ng CCTV footage nang magtungo si ‘Lito’ sa opisina ng Star Horse Shipping Lines sa Lucena at pati na ang text messages nito na humihingi ng lagay sa operations manager ng kumpanya. Ipinanukala umano ni ‘Lito’ na itaas ang singil sa pamasahe mula P220 hanggang P250 o P270 upang makaipon ng pambayad sa protection racket ng isang opisyal.

Kaugnay nito, nagpasaklolo si Reyes kina PNP Chief General Francisco Archie Gamboa, DOTr Secretary Arthur Tugade at President Rodrigo Duterte upang matugunan ang sinasabing extortion at iba pang problema ng mga negosyanteng namumuhunan sa malayo at mahirap na lugar.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page