top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Santisima, aagawin ang titulo kay Navarete sa Nevada

Gerard Ace
Feb 17, 2020
2 min read

Sasampa sa pandaigdigang bakbakan si Filipino challenger Jeo “Santino “Santisima upang subukang agawin ang titulo laban kay World Boxing Organization (WBO) bantamweight champion Emmanuel “Vaquero” Navarete ng Mexico City sa Pebrero 22 sa MGM Grand Garden Arena, Paradise sa Las Vegas, Nevada.

Makikipagtuos ang 23-anyos na tubong-Aroroy, Masbate laban sa 23-anyos na Mexican titlist na may hawak ng titulo sapol ng 2018 at may tangan ng 25-fight winning streak sa 30-1 at 26KOs kartada bilang undercard fight ng rematch sa pagitan nina World Boxing Council (WBC) heavyweight champ Deontay Wilder at Tyson Fury matapos mauwi sa draw noong Disyembre 1, 2018.

Patuloy na dumaraan sa matinding ensayo ang kampeon ng WBO Oriental Super Bantamweight belt na si Santisima, na itataya rin ang kanyang 17-game winning streak, kay ALA coaches Edito Villamor at Michael Domingo, habang nasa ilalim ni ALA Promotions president Michael Aldeguer.

Nagtungo na sa Los Angeles, California sa Estados Unidos ang kampo ni Santisima upang ipagpatuloy ang paghahanda at training camp sa Wild Card Boxing Club ni Hall of Famer boxing coach Freddie Roach.

Ayon sa report, sinabi ni Villamor na gagawin ng kanilang kampo ang nakasanayang pag-eensayo ni Santisima sa Wild Card Gym, ngunit bahagyang babawasan ang naturang ensayo. Napiling sunod na kalaban ni Navarete si Santisima noong nakalipas na buwan bilang bagong challenger nito sa kanyang titulo.

Noong nakaraang taon ay apat na beses sumabak ang Mexican fighter kasunod ng pag-agaw nito sa titulo noong Disyembre 8, 2018 laban kay Ghanian-British Isaac Dogboe at matagumpay na pagdepensa sa titulo ng apat na beses.

Bilang paghahanda sa nalalapit na laban ay nakipagpalitan ng suntok si Santisima kina dating world challenger Jonas Sultan, WBO number 1 super bantamweight Albert Pagara, Filipino boxer KJ Cataraja, at Japanese fighter Takayuki Sakai.

Bitbit ang rekord na 19-2 at 16KOs, minarkahan ng WBO si Santisima bilang no. 5 contender, nagwagi ito sa dalawang laban noong 2019 kina Indonesian Alvius Maufani at dating Oriental and Pacific Boxing Federation (OPBF) super flyweight titleholder Rene Dacquel.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page