Reclamation projects ng mga private sectors, bawal — P-Duterte
- Mylene Alfonso
- Feb 17, 2020
- 1 min read

Iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi na niya papayagan ang mga massive reclamation projects ng mga pribadong sektor sa ilalim ng kanyang panunungkulan.
Sa inagurasyon ng Sangley International Airport Development Project sa Cavite, sinabi ng pangulo na sa ilalim ng natitira niyang termino, wala nang papayagang reclamation projects ng mga private sectors.
Inihalimbawa ng pangulo ang Lungsod ng Maynila. Luma na aniya ang siyudad na ito at kung tatayuan pa ng kung anu-ano ang Manila Bay ay tiyak na mabubulok ang lungsod.
“The entire Manila City would be environmentally at peril. So, pag-aralan n’yong mabuti ‘yan. For the next administration, whoever gets to be the President of this country, study it very carefully. Because that Manila there, that old city is an old city and it will decay if you add so many things in front of Manila Bay,” ani P-Duterte.
Aniya, kung reclamation project pa na mayroong kinalaman sa government project ay posible pa niyang maikonsidera.
Sakaling papayagan aniya kasi ang isang private sector, dapat ay payagan din ang iba.
Magsusunud-sunod na aniya ito at iyon mismo ang ayaw na mangyari ng pangulo dahil ayaw niyang masakal ang Maynila.
Payo ng pangulo sa mga pribadong sektor, hintayin na lamang ang susunod na presidente at baka sakaling iba ang pananaw nito.
Gayunman, ayon kay Pangulong Duterte, dapat ay pag-aralang maigi ang usapin sa reklamasyon bago mag-apruba sa susunod na presidente ng bansa.





Comments