Pagtataas ng Tuition Fee pagkatapos ng enrollment at bago magtapos ang school year, bawal
Dear Chief Acosta,
Nagbayad na kami ng buo para sa tuition fee ng anak ko noong nag-enroll siya. Subalit, noong nakaraang linggo ay bigla na lamang kaming sinabihan ng pamunuan ng eskuwelahan na nagtaas daw sila ng tuition fee. May karapatan ba ang eskuwelahan na taasan ang tuition fee nila kahit matatapos na ang school year? - Marie Janel
Dear Marie Janel,
Para sa inyong kaalaman, ang inyong katanungan ay tinalakay na ng ating Kagalang-galang na Korte Suprema sa kasong Khristine Rea M. Regino vs. Pangasinan Colleges of Science and Technology (G.R. No. 156109, November 18, 2004, Ponente: Honorable former Chief Justice Artemio V. Panganiban), kung saan sinabi na:
“Upon enrollment, students and their school enter upon a reciprocal contract. The students agree to abide by the standards of academic performance and codes of conduct, issued usually in the form of manuals that are distributed to the enrollees at the start of the school term. Further, the school informs them of the itemized fees they are expected to pay. Consequently, it cannot, after the enrollment of a student, vary the terms of the contract. It cannot require fees other than those it specified upon enrollment.” (Binigyang-diin)
Samakatwid, malinaw na pagkatapos ng enrollment at bago matapos ang school year, hindi na maaaring magbago ang mga termino ng kontrata tulad ng pagbabago o pagtaas ng tuition fee sa pagitan ng eskuwelahan at estudyante.
Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa isang abogado.





Comments