Mabilis tumangkad ‘pag natuli na, fake news!
- Shane Ludovice
- Feb 17, 2020
- 1 min read
Dear Doc. Shane,
Pinaplano ko nang ipa-circumcise o ipatuli ang anak ko ngayong summer dahil siya ay 12 years old na at para hindi na rin ito iintindihin pagtuntong niya sa high school. Gaano ba katotoo na kapag natuli ang lalaki sa ganu’ng edad ay tatangkad daw ito? - Joan

Sagot
Natutuwa naman tayo sa concern ninyo bilang ina sa circumcision ng inyong anak. Gayunman, sa tanong ninyo kung tatangkad ang binatilyo o lalaki sa oras na ito ay matuli, walang kaugnayan ang pagpapatuli sa magiging height o taas ng inyong anak o ng sinumang lalaki.
Ang totoo, kasabihan na lang natin ‘yan dahil kadalasang ginagawa ang pagpapatuli sa panahon na binatilyo na ang mga bata. Sa panahon ng puberty, sadyang mabilis ang pagtangkad ng tao, ito man ay tuli o hindi. At nagkataon din namang nasasabay sa panahong ito ang pagpapatuli.
Ang height o itinatangkad ng tao ay nakabatay sa kanyang lahi, secretion ng growth hormone, tamang nutrisyon at ehersisyo. Makatutulong din sa pagtangkad ang regular na pag-inom ng gatas mula pagkabata at kahit malaki na ito o binata na. Marami tayong kilala na sa pag-inom nila ng gatas hanggang sila ay magbinata ang tumataas nang husto kahit hindi katangkaran ang kanilang mga magulang. Wala namang masama kung patuloy na painumin sila ng gatas dahil isa itong source ng calcium na pampatibay ng buto at ngipin.




Comments