Fil-Japanese Saso, perpekto ang laro sa Women’s Australian Open
- Eddie M. Paez, Jr.
- Feb 17, 2020
- 2 min read

Inirehistro ni Fil-Japanese Yuka Saso ang kanyang pangatlong sunod na sub-par performance upang makaahon mula sa pang-107 na baytang at maisalba ang iskor na 4-under-par 288 at ang isang upuan sa unang 25 finishers sa prestihiyosong 2020 ISPS Handa Women’s Australian Open sa palaruan ng Seaton, South Australia.
Kabaligtaran ang naging kampanya ng pambato ng Canlubang na si Dottie Ardina na matapos makapasok sa top 10 noong round 2 ay naupos at dumulas na lang sa pang-48 na baytang dahil sa rekord na 291 strokes.
Isang mapaklang 2-over-par 75 ang isinuko ni Saso sa pambungad na round ng kumpetisyong umakit sa mga pangunahing professional lady golfers mula sa iba’t-ibang parte ng daigdig kaya maaga siyang nangulelat. Sa Round 2, nang plano nang kalusin at pauwiin ng organizer ang mga malamyang kalahok, apat na birdie at dalawang bogeys para sa iskor na 2-under-par 71 ang nagtawid sa kanya sa cut-off papunta sa weekend play.
Nasaksihan noong Round 3 ang pormang nagbigay sa kanya ng dalawang Asian Games gold medal at isang pilak sa Youth Olympic Games dahil sa naitala niyang 3-under-par 70 bago siya kumartada ng 1-under-par 71 sa huling round.
Samantala, sa kabila ng resulta, ang dating pamosong jungolfer ng Pilipinas na si Ardina ay kasalukuyang bumabandera sa Clubcar Series ng Australian Ladies Professional Golf (ALPG) dahil sa nakulektang 973.33 puntos. Malaking tulong dito ay nang nakuha niya ang korona ng 2020 Ballarat Icons Pro-Am Tournament na nagkakahalaga ng $4,500 at may kaakibat na 500 puntos. Nangaldag din si Ardina sa Aoyuan International Moss Vale Pro-Am matapos siyang sumegunda rito at magbulsa ng gantimpalang $3,000. May naipon rin siyang 400 series points mula sa nabanggit na kaganapan. Pampito ang Pinay golfer sa Findex Yamba Pro-Am.





Comments