Kasabay ng COVID-19.. Kaso ng polio, nadagdagan
- Madel Moratillo
- Feb 16, 2020
- 1 min read

Sa gitna ng banta ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19), patuloy namang nadaragdagan ang bilang ng mga naitatalang kaso ng polio sa bansa.
Sa pinakahuling datos ng Department of Health, may panibagong kaso ng polio silang naitala sa Nueva Ecija.
Ito ay ang isang 1 taong gulang na batang lalaki mula sa Cabanatuan City, Nueva Ecija.
Ang pasyente ay nakaranas ng lagnat at panghihina ng kaliwang binti.
Dahil dito, umakyat na ngayon sa 17 ang kabuuang bilang ng kaso ng polio sa bansa. Kaugnay nito, inanunsiyo ng DOH na ang nakuhang environmental sample mula sa Butuanon River, Cebu ay nagpositibo sa poliovirus
Mahigpit na itong mino-monitor ng DOH at World Health Organization para sa pagsasagawa ng vaccination program.
Tumutulong na rin ang DOH sa pagpapalakas ng Acute Flaccid Paralysis surveillance capacities ng mga lungsod ng Cabanatuan at Mandaue.
Nakatakda namang magsagawa ng Sabayang Patak Kontra Polio campaign ang DOH sa National Capital Region at lahat ng rehiyon ng Mindanao.
Sa Mindanao ay sisimulan ito sa Lunes, Pebrero 17 hanggang Marso 1 at Pebrero 24 hanggang Marso 8 naman sa Metro Manila.





Comments