top of page
GMMTV vs Showbiz All-Star - Star Magic.jpg

Habal-habal hindi safe, pero kinakagat pa dahil no choice ang mga pasahero

  • Ryan B. Sison
  • Feb 16, 2020
  • 2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Malinaw sa atin kung bakit maraming tumatangkilik sa habal-habal sa Metro Manila.

Ito ay dahil malala ang eksena tuwing rush hour tulad ng mistulang parking lot na mga kalsada, punuang bus, jeep at tren kaya walang masakyan ang mga nagmamadaling pasahero.

Dahil dito, habal-habal ang pumupuno sa pagkukulang ng transportasyon dahil ayon sa mga komyuter, pahirapan na ring mag-book ng biyahe sa motorcycle taxis.

Ngunit, paano kung bawal at hinuhuli, sasakay pa kaya ang nakararami? Sa gitna ng patuloy na paghihigpit ng mga awtoridad sa pagbiyahe ng habal-habal o colorum motorcycle taxis, marami pa ring riders ang bumibiyahe.

Ang eksena tuloy, nakikipagtaguan ang mga habal-habal riders sa enforcers kapag may operasyon.

May ilan nang nakumpiskahan ng lisensiya dahil sa libro ng MMDA, ang kolorum ay ilegal at ang ilegal ay hinuhuli.

Hindi naman galit ang mga nakumpiskahan ng lisensiya dahil alam nilang ilegal ang habal-habal, pero no choice raw dahil sa mga pangangailangan.

Paliwanag naman ng MMDA, bagama’t, alternatibong transportasyon ang habal-habal, walang proteksiyon ang mga pasahero at riders.

Nauunawaan natin na may pangangailangan din ang mga kolorum na rider, pero paano kung masangkot kayo sa aksidente? Sino ang magpapagamot sa inyo o sa pasahero? Sa halip na ipandagdag sa panggastos ng pamilya ang kinita n’yo, magiging bato pa.

Aminado ang MMDA na malaki ang populasyon ng habal-habal sa Metro Manila kaya hindi magiging madali para sa kanila na matukoy kung sino ang mga kolorum o hindi.

Gayunman, panawagan ng mga pasahero, solusyunan din sana ang problema sa pampublikong transportasyon dahil ito ang numero-uno nilang kalaban sa araw-araw na pagbiyahe kaya kahit alam nilang bawal at delikado ang habal-habal ay tinatangkilik pa rin.

Sa totoo lang, marami pang pagbabago at paghihigpit na kailangang ipatupad para maibsan ang problema sa transportasyon at trapik, pero kung makikiisa tayo sa mga hakbang na ginagawa ng gobyerno, malalampasan din natin ang hamon na ito.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page