Produktong tatak-Pinoy, palalakasin para sa mas maunlad na Pilipinas
- Sonny Angara
- Feb 15, 2020
- 2 min read

Kapag ang ekonomiya ng bansa ay umaalagwa at patuloy na umaalagwa, walang ibang makikinabang dito kundi ang sambayanan.
Ibig sabihin, umuunlad tayo. Pero wala nang sasarap pa sa pakiramdam na umuunlad tayo dahil malaki ang naitutulong ng lokal na negosyo — ‘yung sariling atin.
‘Yan ang dahilan kung bakit seryoso tayo sa pagsusulong ng Tatak-Pinoy — mga produkto at serbisyong gawang Pinoy.
Bilang tayo ang chairman ng Senate Committee on Finance, tiniyak nating madaragdagan ang pondo ng Department of Trade and Industry (DTI) ngayong taon.
Ito ay para maisakatuparan ng ahensiya ang lahat ng kanilang proyekto at programa sa kalakalan at industriya ng bansa.
Mula sa P6.1 bilyong pondo nito noong 2019, itinaas ang DTI budget sa ilalim ng 2020 National Budget sa P7.98 bilyon.
Taun-taon, sinisikap nating dagdagan o taasan ang budget ng DTI para sa mahahalaga nilang programa. Sakop ng pondong ito ng ahensiya ang kanyang attached agencies.
Isa ang Shared Service Facilities (SSF) project sa mahahalagang proyekto ng DTI na pinaglaanan ng P574 milyon.
Layunin nitong linangin ang kalidad ng mga micro, small at medium enterprise sa bansa sa pamamagitan ng accessibility sa processing machines at sa mga kinakailangan nilang makinarya.
Ang operasyon ng SSF ay nagsimula noong 2013 pero sa pagdaan ng panahon, napatunayan nilang epektibo sila sa pagsusulong ng MSMEs, partikular ang mga nasa industriya ng pagkain.
Para sa mga Negosyo Center sa iba’t ibang panig ng bansa, naglaan ang DTI ng halagang P790.7 milyon upang matulungan din ang MSMEs na mapalakas ang kani-kanilang negosyo sa pamamagitan ng financial at credit assistance, gayundin sa pamamagitan ng market information.
Dagdag P200 milyon naman ang mapupunta sa One Town, One Product o OTOP Next Gen Program. Nilalayon nitong mas maiangat pa ang kalidad ng mga produkto at serbisyo ng bansa sa pamamagitan ng innovation.
Dito ay magagawa nating maging marketable ang ating mga produkto. Ilan lamang ito sa ating mga hakbangin para lubusang maitaguyod ang ating Tatak-Pinoy campaign.
Layunin natin dito, hindi lang para isulong ang mga produktong Pinoy kundi para mapalaganap ang mga prosesong bumubuo sa mga ito, mabigyan ng kaukulang pagpapahalaga ang mga produktong Pinoy na ini-ex-port at higit sa lahat, makalikha ng trabaho at iba’t ibang oportunidad para sa ating mga kababayan.





Comments