Laborer, nabuhusan ng natutunaw na bakal, patay

Patay ang isang laborer nang aksidenteng mabuhusan ng natutunaw na bakal sa kanyang pinagtatrabahuhan sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi. Kinilala ang nasawi na si Edgardo Obzunar, 45, scrap charger at residente ng Valenzuela City.
Alas-7:00 ng gabi nang maganap ang insidente sa 8th MGM Industrial Compound sa Mindanao Avenue, Bgy. 166, Kaybiga, Caloocan City.
Sa pahayag sa pulisya ng saksing si Carlo Riego, 24, crane operator, nagtatrabaho sila sa naturang lugar nang makarinig sila ng ingay mula sa lugar kung saan nagtatrabaho ang biktima.
Nang puntahan ng saksi, nakita nito ang biktima na nabuhusan ng natutunaw na bakal kaya pinagtulungan nilang buhusan ng tubig si Obzunar.
Gayunman, hindi na naisalba ang biktima dahil sa mga tinamong sunog sa kanyang katawan.





Comments