top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Senado, nawalan ng silbi sa VFA, utos ni P-Digong na kanselahin, final answer

Korina Sanchez
Feb 14, 2020
2 min read

Inutusan ni Pangulong Rodrigo Duterte si DFA Sec. Teodoro “Teddy Boy” Locsin, Jr., na ipaalam sa Amerika na ipinawawalambisa na ang Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng dalawang bansa matapos ang ilang linggong espekulasyon kung talagang itutuloy ito matapos kanselahin ng U.S. ang visa ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.

Naganap ito kahit kinukuwestiyon ito ng Senado sa Korte Suprema kung puwedeng maipawalambisa ang kasunduan sapagkat hindi sila kinonsulta o hiningan ng opinyon o boto.

Samantala, sinegundahan naman ni AFP Chief of Staff Gen. Felimon Santos ang desisyon ng pangulo. Sinabi nitong mabubuhay ang militar kahit walang VFA mula sa Amerika.

Hindi na tayo nag­tataka dahil natural lang na sang-ayunan ito ni Gen. Santos. Mata­tan­daang, siya mismo ang nagsabi na dinoble ng pangulo ang sahod ng sundalo at palagi nitong pinupuri ang kanilang mga engkuwentro kaya bakit sila sasalungat o magagalit?

Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, halos wala na ring bisa ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) at Mutual Defense Treaty (MDT) kung walang VFA kaya lumalabas na tila wala na tayong kasunduan sa Amerika.

Kaugnay nito, may 180 araw bago opisyal na rumesponde ang Amerika sa natanggap na desisyon tungkol sa VFA. Pilipinas ang pinakamatagal nang kaalyado ng Amerika kaya kung hindi pakikinggan ni Pangulong Duterte si U.S. Pres. Donald Trump, tila wala nang saysay ang pagiging kaalyado nito.

Gayunman, ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP), puwede pa namang magkaroon ng mga ehersisyo sa ibang bansa tulad ng Japan at Australia na parehong kaalyado rin ang Amerika. Sa huli, anuman ang mangyari sa desisyong ito ng pangulo, wala tayong magagawa dahil siya pa rin ang masusunod bilang lider ng bansa. Sana lamang ay may mabuti itong maidulot sa taumbayan at sa bansa dahil ito naman talaga ang dapat prayoridad o layunin nito.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page