Pagmamahal at oras, mas oks pa ring V-Day gift kesa sa materyal na bagay

Bong Revilla / Anak ng Teteng!
Napakabilis talaga ng panahon, halos katatapos lamang nating magligpit ng mga ginamit noong nagdaang Pasko at Bagong Taon ay heto na naman tayo sa Araw ng mga Puso.
Pagpasok pa lamang ng Pebrero, ramdam na natin ang Valentine’s Day dahil sa mga dekorasyon sa mga restoran at shopping malls na lahat ay may kaugnayan sa pag-ibig.
Gayundin, buhay na naman ang napakaraming negosyo tulad ng mga flower shops, partikular ang Dangwa sa Maynila na siyang bagsakan ng mga bulaklak mula Baguio at pinaghahandaan na ng Philippine National Police (PNP) ang pagsasaayos ng trapiko.
Ngayon pa lamang ay nakahanda na ang mga disenyong gagamitin ng mga nagbebenta ng bulaklak dahil isa ito sa mga pinakamabentang panahon para sa kanilang negosyo maliban sa Araw ng mga Patay.
Kasabay ng bulaklak ay madalas na tsokolate ang kasabay na ibinibigay sa minamahal dahil simbolo raw ito ng matamis na pagmamahal kaya nagkalat ngayon sa merkado ang iba’t ibang uri at disenyo nito.
Sumigla rin ang bentahan ng stuffed toys na paboritong panregalo ng kabataan sa kanilang minamahal na karaniwan ding sinasamahan ng bulaklak at tsokolate.
Maging ang negosyo ng alahas ay tiba-tiba dahil sa dami ng umo-order ng mga singsing, kuwintas at mga hikaw na siyang pangunahing inireregalo sa kanilang minamahal.
Fully-booked din halos lahat ng kilalang restoran dahil hindi lang magsing-irog ang kumakain sa ganitong okasyon kundi may pami-pamilya rin na sabay-sabay nagdiriwang.
Pero sa totoo lang, ang lahat ng mga ito ay bahagi lamang ng komersiyalismo at ang okasyong tulad nito ay gamit na gamit ng mga negosyante para palakasin ang merkado at kalakalan.
Kaya hindi tayo dapat tumutok sa marketing strategy ng iba’t ibang produkto dahil bahagi lamang sila ng selebrasyon, ngunit, higit na mahalaga ay maramdaman ng mga mahal natin sa buhay kung gaano natin sila kamahal.
Tulad ko, mahalaga sa akin ang araw na ito dahil ito ang pagkakataong humihingi ako ng pang-unawa sa aking mga kakulangan sa aking minamahal dahil hindi tayo perpekto kasabay nang mahigpit na yakap.
Hindi rin ako pumapayag na hindi ko kasama ang buong pamilya at ang pinakamamahal kong asawa at sabay-sabay kaming naghahapunan at wala kaming pinag-uusapan kundi puro pagmamahal.
Kaya sa lahat ng mga nagmamahal sa akin na hindi ko makakasama ngayong araw na ito, binabati ko kayo ng Maligayang Araw ng mga Puso, kasama na ang mga maysakit sa puso. Anak ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments