Ninja cops, magretiro na lang — PNP

Walang nakikitang mali ang Malacañang sa alok ni PNP Chief General Archie Francisco Gamboa na mag-early retirement ang mga pulis na nasa drug list.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, kailangan tiyakin lamang na hindi makalulusuot sa kasong kriminal ang mga pulis na sabit sa droga.
Aniya, tila pag-amin na rin ang ginawa ng mga pulis kung maagang magreretiro sa serbisyo dahil sa pagkakadawit sa narcolist.
Ibang usapan na kasi aniya kung bibigyan ng criminal waiver o hahayaan na lamang ni Gen. Gamboa na magretiro ang mga pulis na dawit sa narcolist nang hindi man lang inuusig ng batas lalo na sa aspetong kriminal.
Depensa pa ni Panelo, hindi naman simpleng palusot ang pagreretiro para hindi na ma-prosecute lalo na kung mayroong ebidensiya na totoong kasama sila sa narcolist.
Una nang inalok ni Gen. Gamboa ang 357 na pulis na nasa narcolist ni Pangulong Duterte na mag-retire na lamang para makaiwas na sa mahabang proseso ng pagdinig sa kasong administratibo.





Comments