Iba pa rin ang nag-iingat besh... Tips para makaiwas sa COVID-19

Marami nang natatakot madapuan ng sakit mula nang kumpirmahin ng Department of Health na mayroon nang kaso ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa bansa. Una itong kumalat sa China at mabilis na dumami ang tinamaan nito kaya nababahala ang lahat na mahawa.
Ang COVID-19 ay virus na nagdudulot ng iba’t ibang klase ng sakit mula sa karaniwang ubo at sipon hanggang sa malulubhang impeksiyon. Narito ang mga dapat iwasan at gawin para hindi mahawahan nito:
1. PALAGING MAGHUGAS NG MGA KAMAY. Panatilihing malinis ang inyong mga kamay dahil dito unang kumakapit ang mga dumi ng ating mga hinahawakan nang hindi natin namamalayan. Pagkatapos maghugas ng mga kamay, siguraduhing gagamit din ng hand sanitizer o alcohol para makasiguradong malinis ang mga ito.
2. IWASAN ANG CONTACT SA MAY SAKIT NA HAYOP. Kung may mga alaga kayong hayop na may sakit tulad ng baboy o manok, makabubuting iwasan muna ang paghawak sa mga ito para makasiguradong hindi mahahawa sa kanilang sakit.
3. TAKPAN ANG ILONG AT BIBIG. Iwasan ang matataong lugar, pero kung hindi maiwasan, siguraduhing takpan ang ilong at bibig tuwing uubo o babahing, lalo na kung may ubo o sipon. Sa ganitong paraan, hindi kakalat ang virus at hindi makahahawa sa iba.
4. IWASAN ANG MGA TAONG MAY SAKIT. Dahil mabilis makahawa ang mga sakit, mabuting maging mapagmatyag at ‘wag makipagsabayan sa bugso ng tao, gayundin. iwasan ang mga taong may sakit para hindi mahawa. Iiwas lang at hindi pandidirihan, ha? Ito ay bilang proteksiyon sa iyong sarili.
5. UMINOM NG MARAMING TUBIG. Uminom ng maraming tubig at umiwas sa mga pagkain sa fastfood. Kumain ng masusustansiyang pagkain tulad ng gulay at prutas. Ayon sa mga eksperto, dapat palakasin ang resistensiya upang hindi madaling dapuan ng sakit.
6. UMINOM NG VITAMINS. Malaki ang naitutulong ng pag-inom ng vitamins para maiwasan ang pagkakaroon ng ubo at sipon dahil nagpapalakas ito ng ating pangangatawan. Ngunit, tandaan, ang mga bitaminang ito ay may tamang oras din ng pag-inom tulad ng Vitamins A, D, E at K. Mainam na isabay ito sa hapunan na may saturated fats o oil para ma-absorb ng ating katawan. Ang Vitamins B at C naman ay water-soluble na nasasama sa ihi ang mga sobra at hindi kailangan. Iniinom ito 30 minuto matapos kumain.
7. KUMONSULTA SA DOKTOR. Kapag nakararamdam ng mga sintomas tulad ng lagnat, ubo, sipon at hirap sa paghinga, kumonsulta agad sa pinakamalapit na doktor at ‘wag nang mag-self-meditate dahil eksperto lang ang makapagsasabi ng mga puwede at hindi puwedeng gawin sa ganitong pagkakataon.
Mga ka-BULGAR, ‘wag kalimutang gawin ang mga nabanggit para sa inyong kalusugan at kaligtasan dahil hindi biro ang magkaroon ng ganitong sakit dahil ito ay nakamamatay.
Sa mga simpleng sintomas lang, hindi n’yo aakalain na malala pala ang epekto nito sa ating kalusugan kaya magdoble-ingat.
Okie?





Comments