‘Pinas, q’finalist na sa Badminton Asia C’ships

Gumawa ng ingay ang Pilipinas sa 2020 Badminton Asia Manila Team Championships matapos talunin ng mga Pinoy shuttlers ang Singapore, 3-2, para sa unang panalong tie Miyerkules ng gabi. Dahil dito, nanatiling buhay ang Pilipinas na makapasok sa quarterfinals ngayong araw ng Biyernes sa Rizal Memorial Coliseum.
Dala sa kanyang balikat ang kapalaran ng bansa, binuhos ni Solomon Padiz Jr. ang lahat ng kanyang makakaya para talunin si Darrion Michael Ng sa ika-lima at huling laban, 21-10 at 21-19. Hindi naglaro si Padiz, ang kasalukuyang UAAP Rookie of the Year galing National University, sa 0-5 na talo sa Chinese-Taipei noong Martes.
Bago noon, naghati ang dalawang koponan sa dalawang singles at dalawang doubles. Sinimulan ang tie sa tapatan ng mga alas kung saan nanaig si 30th Southeast Asian Games silver medalist Loh Kean Yew kay Ros Leonard Pedrosa, 21-11 at 21-8.
Bumawi ang tambalan nina Peter Gabriel Magnaye at Alvin Morada sa unang doubles matapos pigilin sina Andy Kwek at Loh Kean Hean, 22-20 at 21-19. Inagaw ng Singapore ang lamang sa bisa ng tagumpay ni Jason Teh kay Lanz Ralf Zafra, 21-14 at 23-21, sa pangalawang singles.
Sinimulan ang pagbalik ng mga Pinoy nina Philip Joper Escueta at Paul John Pantig sa pangalawang doubles kung saan binigo nila sina Abel Tan at Howin Wong, 21-16 at 21-16, para matabla ang tie at maghanda sa pagbayani ni Padiz. ”Ramdam ko na ibigay ang best ko, wala namang mawawala pero mas okay na panalo po kami,” wika ni Padiz na tiniis ang masakit niyang balakang matapos madulas sa kalagitnaan ng pangalawang set.
Pumantay ang kartada ng Pilipinas sa 1-1 panalo-talo sa Grupo C. Kailangan ngayon manalo ng Chinese-Taipei (1-0) sa Singapore (0-1) habang sinusulat ito upang pumasok agad subalit kung manalo ang Singapore ay tatabla ang tatlong bansa sa 1-1 at gagamit ng tiebreaker.
Nauna nang nagpaalam sa torneo ang mga pambato ng Pilipinas sa kababaihan. Sunod-sunod lumuhod ang mga Pinay shuttlers sa Thailand noong Martes at Indonesia noong Miyerkules sa parehong iskor na 5-0.





Comments