Parbuster Ardina, nangunguna sa Australian Ladies Pro Golf

Matalas ang ratsada ng mga hataw ni Pinay parbuster Dottie Ardina sa mga golf courses ng kontinenteng tinatawag na “Land From Down Under” at kasalukuyang nangunguna siya sa Clubcar Series ng Australian Ladies Professional Golf (ALPG) dahil sa nakulektang 973.33 puntos.
Malaking tulong sa paghawak niya ng trangko ay nang iniuwi niya ang korona ng 2020 Ballarat Icons Pro-Am Tournament na nagkakahalaga ng $4,500 at may kaakibat na 500 puntos. Nagmarka rin si Ardina sa Aoyuan International Moss Vale Pro-Am matapos siyang sumegunda rito at magbulsa ng gantimpalang $3,000. May nalikom rin siyang 400 series points mula sa nabanggit na torneo. Pampito naman ang nairehistrong pagtatapos ng Pinay golfer sa Findex Yamba Pro-Am.
Eksaktong 400 puntos sa likod ng anim na taong pro mula sa Canlubang ay si Celine Herbin na nakukuntento sa pangalawang puwesto habang nakaupo sa pangatlong baitang bitbit ang kartadang 512.5 puntos si Holly Clyburn.
Umakyat din sa pang-anim na posisyon si Ardina sa ALPG Order of Merit matapos niyang maisalba ang isang Top 20 performance sa ISPS Handa Vic Open noong nakaraang linggo. Halagang $18,120.71 ang pabuya sa kanyang naipakita sa Beach Golf Links kung saan ginanap ang kompetisyon. Dito rin nasaksihan ang dalawang beses kalusan ng mga kalahok upang malaman kung sinu-sino lang ang mga puwedeng magpatuloy sa Round 3 at sa Round 4. Ang 2-under-par 278 strokes na iskor ni Ardina ang nagtawid sa kanya papunta sa huling round. Kasalukuyang humahataw sa Australian Open ang 26-anyos na dating pamosong jungolfer ng Pilipinas.





Comments