BF mahal pa rin kahit nanligaw pa ng iba habang mag-on na sila
- Maestro Honorio Ong
- Feb 13, 2020
- 3 min read
Dear Maestro, Nagkahiwalay kami ng boyfriend ko dahil may third party na involved. Bukod sa akin, may iba pa siyang nililigawan, pero hindi pa naman niya girlfriend. Nang malaman ko ito at tinanong ko siya kung bakit nanliligaw pa siya sa ibang babae gayung mag-on na kami, sinabi niya na hindi pa naman daw kami kasal o mag-asawa, kaya walang masama kung manliligaw pa siya sa iba. Nagalit ako kaya nakipag-break ako sa kanya, pero palagi pa rin siyang nagte-text at gustong makipagbalikan. Sa totoo lang, mahal ko pa rin siya, pero gusto ko siyang matuto dahil ayaw kong may girlfriend na siya, pero nan-liligaw pa siya sa iba.
Magkakabalikan pa kaya kami kahit na hindi ko na sagutin ang mga text niya sa akin? Ang plano ko kasi ay pahirapan muna siya at humingi siya ng sorry at ‘wag na niyang ulitin ‘yun bago ko siya tanggaping muli. Tama ba ang binabalak kong ito? Kung magkakabalikan kami, kami na kaya ang magsasama sa tamang panahon at compatible ba kami? March 12, 1995 ang birthday ko at November 6, 1994 naman ang birthday niya.
Umaasa Liezel ng Batasan, San Jose, Occidental Mindoro
Dear Liezel, Kung ang ikinakatwiran niya sa iyo na kaya siya nanliligaw sa iba ay dahil hindi pa kayo mag-asawa, lumalabas na sa parte mo naman ay puwede ka ring magpaligaw sa ibang lalaki. Kung halimbawang pumayag siya na puwede ka ring magpaligaw sa iba kahit may relasyon kayo, siguro ay matatauhan siya dahil ibig sabihin ay parang wala kayong commitment sa isa’t isa. Kumbaga, parang hindi kayo magkasintahan dahil puwede pa rin siyang manligaw sa ibang babae habang ikaw naman ay puwedeng magpaligaw sa ibang lalaki.
Sabagay, minsan ay napakahirap intindihin ang iba’t ibang tawag sa maraming kombinasyon ng relasyon. May tinatawag na "M.U." o mutual understanding na parang ibig sabihin ay hindi pa masyadong pormal ang relasyon. May tinatawag ding “fling” na ibig sabihin ay puwedeng palitan anumang oras ang ka-fling mo. Meron ding “syota-syotahan” o hindi pa talaga ganap na mag-on. Sa pag-aasawa naman, may tinatawag na “live-in” at may mga pangyayari pa na nagiging dalagang-ina o binatang-ama ang magka-live-in na hindi nila kapwa ginusto. Kaya kapag nabuntis ang babae o nakabuntis ang lalaki, tinatawag nila itong “nakaano” lang.
Sa madaling salita, para hindi kayo maguluhan, ang mas maganda nito ay alamin n’yong mabuti kung ano ang relasyon na mayroon kayo. Nagpa-practice lang ba kayo na maging magkasintahan upang kapag nagkasundo kayong muli habang may relasyon ay unti-unti n’yo nang gawing pormal ang inyong samahan, magkaroon ng bagong commitment, formal engagement na sa bandang huli ay hahantong sa totohanang preparasyon na sa pag-aasawa o pagtatayo ng sariling pamilya?
Samantala, dahil nagkataong compatible ang Pisces at Scorpio dahil sila ay kapwa nagtataglay ng elementong tubig, gayundin ang birth date mong 12 (1+2=3) at birth date na 6 ng boyfriend mo na sadyang magkatugma rin dahil ang birth date na 3 at 6 ay tinatawag na grupo ng numerong series of 3-6-9, posibleng ngayon pa lang ay nasasagap mo na ang mangyayari.
Dahil totoong mahal ka ng boyfriend mo at natatakot din siyang mawala ka sa kanya, bagama’t, balak pa niyang humanap ng iba, sa bandang huli ay matatauhan din siya. At kung ganu’n ang mangyayari, sigurado na ang magaganap, hihingi rin siya ng tawad upang ang dating muntik nang mawasak na relasyon ay muling buuin sa bago at mas masayang pag-iibigan na hahantong sa tunay at lehitimong relasyon na patungo sa masaya at panghabambuhay na pagmamahalan na nakatakdang mangyari at maganap ngayong susunod na buwan ng Marso o Abril sa edad mong 25 pataas.




Comments