top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Trump todo-pakiusap, tablado.. VFA sa tate out, UK in

Mylene Alfonso
Feb 12, 2020
1 min read

Ibinunyag ng Palasyo na nag-aalok ang United Kingdom (UK) ng military agreement sa Pilipinas.

Pahayag ito ng Palasyo matapos magpadala ang Pilipinas ng notice of termination sa Amerika para ibasura na ang Visiting Forces Agreement (VFA) na nilagdaan ng Pilipinas at Amerika noong 1999.

Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, bukas naman ang Pilipinas na magkaroon ng ugnayan sa UK at sa ibang bansa tulad halimbawa sa Russia at China basta masisiguro lamang na magiging paborable sa bansa at magiging kapaki-pakinabang sa magkabilang partido.

Gayunman, sa ngayon, sinabi aniya ni Pangulong Rodrigo Duterte na palalakasin na muna ng Pilipinas ang puwersa ng Hukbong Sandatahang Lakas ng Pilipinas bago umasa sa ibang bansa.

Una nang ibinunyag ng Punong Ehekutibo na sinubukan pa ni US President Donald Trump na isalba ang VFA, subalit, hindi na siya pumayag dahil sa masyado na aniyang naging bastos ang Amerika.

Lalo umanong ikinagalit ng Pangulo ang hirit ng Amerika na palayain si Senadora Leila de Lima na pakikialam na umano sa panloob na usapin ng Pilipinas.

Samantala, magiging epektibo ang notice of termination ng VFA ng Pilipinas pagkatapos matanggap ng Amerika sa 180 na araw.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page