nCoV, hindi pa tapos, dengue strikes again!
- BULGAR

- Feb 12, 2020
- 1 min read
Bukod sa bantang pagkalat ng 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (2019 nCoV ARD), binabantayan din ngayon ang patuloy na pagtaas ng kaso ng dengue, partikular sa bahagi ng Eastern Visayas.
Batay sa datos ng Department of Health (DOH), nakapagtala na ng 1,198 na kaso ng dengue ngayong taon sa rehiyon kung saan dalawa ang nasawi.
Bagama’t, sa kabila ng mataas na bilang ng kaso, mas mababa pa rin umano ito ng 41 percent kumpara sa parehong petsa noong nakaraang taon kung saan naitala ang 2,020 kaso.
Minsan na rin tayong naalarma sa kaso ng dengue na naging kontrobersiyal dahil sa isang bakuna na hanggang ngayon ay hindi pa rin nabibigyang-linaw.
Gayunman, tulad ng iba pang mga sakit, patuloy ang pag-aaral kung paano ito maiiwasan at malulunasan para hindi na umabot sa malalang sitwasyon.
At sa palagay naman natin ay natuto na rin ang marami. Mas nabibigyan na natin ng halaga ang ating kalusugan, ganundin ang sa ating pamilya.
Gayundin, sa panig ng ating gobyerno, tiwala tayong hindi na mauulit ang mga kalituhan at takot at nakikita natin kung paano nila binibigyang-atensiyon ang nCoV. Masasabing mas mabilis ang pagkilos, maayos na naibabahagi sa publiko ang bawat impormasyon at palaging kasunod ang pagtiyak na kontrolado nila ang sitwasyon at walang dapat ipangamba ang taumbayan.
Sana, sa panibagong kaso ng dengue, bago pa man lumala ay agad ding mabigyan ng aksiyon.





Comments