Nasa drug list ni P-Duterte.. Mayor pinagbabaril, todas

Patay ang alkalde sa isang bayan sa Maguindanao, na nasa ‘narcolist’ ni Pangulong Rodrigo Duterte makaraang barilin ng tatlong beses ng mga hindi kilalang suspek sa harapan ng isang hotel kamakalawa ng gabi sa Malate, Manila.
Namatay noon din ang biktimang si Abdul Wahab Sabal, 45, mayor ng munisipalidad ng Sultan Sumangka (dating Talitay), sa Maguindanao, sanhi ng mga tama ng bala sa katawan.
Batay sa imbestigasyon ng Manila Police District-Station 9, alas-10:02 ng gabi nang mangyari ang pamamaril sa harapan ng Mannra Hotel, sa Quirino Avenue.
Nauna rito, galing umano sa Pasay ang alkalde na dumalo sa isang convention at kabababa pa lamang ng biktima, kasama ang kanyang maybahay na si Mohana Sabal at bodyguard na si PCpl. Alwal Guimad, 41, ng Talitay Municipal Police Station, mula sa isang Toyota Fortuner at nakatakdang mag-check-in sa naturang hotel. Habang nagbababa ng kanilang mga gamit mula sa behikulo ay nakarinig na lamang ang mga tao sa lugar ng tatlong sunud-sunod na putok ng baril.
Dito na nakitang nakadapang nakahandusay sa main entrance ng hotel ang biktima at duguan habang hindi naman nasaktan sina Mohana at Guimad.
Sa footage ng CCTV camera ng hotel, ang nag-iisang gunman ay nakapuwesto sa kabilang bahagi ng kalsada, lulan ng hindi pa matukoy na uri ng behikulo at agad na tumakas matapos ang krimen.
Nakakuha naman ang mga awtoridad ng 5.56 mm basyo ng bala sa pinangyarihan ng krimen at naisumite na ito sa MPD-SOCO para sa kaukulang ballistic examination.
Patuloy na ang imbestigasyon ng pulisya para malaman ang motibo ng krimen at nasa likod ng pagpaslang.
Kabilang sa anggulong tinitingnan kung posibleng may kinalaman sa ilegal na droga o pulitika ang krimen.
Matatandaan, si Sabal ay nakabilang sa ‘narcolist’ na isinapubliko ni Pangulong Duterte noong Marso 2019 at noong Setyembre 2016, kung kailan bise-alkalde pa lamang siya at una na rin siyang naaresto ng mga tauhan ng noon ay Anti-Illegal Drugs Group ng Philippine National Police habang papalabas sa Awang Airport sa bayan ng Datu Odin Sinsuat.
Noong Agosto 2019 naman nang sumuko si Sabal sa lokal na pulisya, kasama ang kanyang nakatatandang kapatid na si dating Talitay Mayor Montasir Sabal, matapos tukuyin ni Pangulong Duterte na umano’y mga narco-politicians o mga pulitikong sangkot sa ilegal na droga. Gayunman, itinanggi ng mga Sabal ang mga alegasyon ni Pangulong Duterte.





Comments