Kinumpirma ng DOH.. Unang may nCoV sa ‘Pinas, gumaling

Kinumpirma ni Health Usec. Eric Domingo na gumaling na ang unang pasyente na nagpositibo sa 2019 novel coronavirus acute respiratory disease sa bansa.
Ayon kay Domingo, ang nasabing pasyente na Chinese national ay nakalabas na sa ospital nitong Sabado.
Ito ay matapos na dalawang beses na magnegatibo sa ginawang tests ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa kinuhang swab sample mula sa kanya.
Hindi naman matiyak ni Domingo kung nasa bansa pa ang nasabing pasyente o nakabalik na ito sa China.
Matatandaan, na ang kasama nito sa pagdating sa bansa na ikinonsiderang 2nd nCoV case ay namatay dahil sa severe pneumonia.
Taiwan, kasama sa travel ban kontra nCoV — DOH
Nilinaw ni DOH Usec. Eric Domingo na kasama ang Taiwan sa mga bansang may ipinatutupad na travel ban ang Pilipinas kasunod sa banta ng nCoV.
Paliwanag ni Domingo, ang pinagbatayan nila rito ay ang mapa ng World Health Organization kung saan nakalagay na ang Taiwan ay kasama sa China. Ito ay sa ilalim aniya ng One China policy.
At dahil mayroon ng travel ban sa China, ibig sabihin awtomatikong kasama rito ang Taiwan.
Gayunman, aminado ang kalihim na noong una ay nagkaroon ng kalituhan kaya hindi ito agad naipatupad. Pero simula nitong nakaraang linggo ay nasimulan na aniyang ipatupad ang nasabing travel ban.
Pero umaapela aniya ang Taiwan at hinihiling na mairekonsidera ang pagkakasama nila sa ban.
Bukas ay muling magpupulong aniya ang inter agency task force hinggil dito.
Una nang nagpatupad ang pamahalaan ng travel ban sa China, Hong Kong at Macau kasunod ng banta ng nCoV.
Samantala, nakataas ngayon sa code blue alert ang DOH Region 3, ito ay matapos magsilbing quarantine area ang Athletes’ Village sa New Clark City na nasa Capas, Tarlac.
Tiniyak ni Domingo na nasa maayos na kalagayan ang mga ini-repatriate na Pinoy mula China at may regular na checkup na ginagawa sa kanila.





Comments