top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Chua, kampeon sa Pacman, 10-ball

Eddie M. Paez, Jr.
Feb 11, 2020
1 min read

Photo: johann.chua.146

Napagwagian ni Johann Gonzales Chua ang korona sa singles division matapos daigin si Ronald Garcia, 10-7, sa maigting na championship face-off ng 2020 Sen. Emmanuel D. Pacquiao Valentine’s 10-Ball Open Tournament sa palaruan ng isang mall sa Bacolod City, Negros Occidental.

Nagbanta si Chua ng pag-alagwa sa harap ng kanyang mga kababayan sa simula ng pangkampeonatong yugto sa pamamagitan ng pagsibad nito sa isang 3-0 na kalamangan. Pero hindi nagpabaya si Garcia upang makakulekta ng dalawang sunod na panalo para panipisin ang lamang ni Chua, 3-2. Naulit ang ganitong kuwento nang muling lumayo ang dalawang beses nang nagkampeon sa All Japan na si Chua, 6-2, pero nagparamdam si Garcia ng pormang minsan ay nagtulak sa kanya ng runner-up honors noong 2017 World 9-Ball Championships upang itabla na naman ang bakbakan, 6-6.

Tatlong magkakasunod na panalo ang pinakawalan ni Chua para makalapit sa trono, 9-6, pero humirit uli si Garcia, 9-7. Sa 17th frame, nakuha ni Garcia ang break at madali itong nakapagpasok ng tatlong bola pero nabigo siya sa pang-apat na bola sa torneong inorganisa ng Manny Pacquiao Billiards Promotions. Hindi na nag-abala pa si Chua at dali-daling nilinis ang mesa para makaakyat sa trono ng sagupaang umakit ng 128 na bilyarista.

Dahil sa nakuhang kampeonato, nananatili sa tamang landas ang paghahanda ni Chua, binansagan ding “Bubwit” at “Bad Koi” sa mga bilyaran, para sa kanyang paglahok sa malupit na World Pool Masters sa Gibraltar. Sa torneong ito, taong 2010 pa nang huling magkampeon ang isang Pinoy sa katauhan ni Dennis “Robocop” Orcullo.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page