Batas para matiyak ang de-kalidad na edukasyon sa Pilipinas, bigyang-prayoridad

Matapos maaprubahan ang Republic Act No. 10931 o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act (Free Tuition Law), tuluy-tuloy pa rin tayo sa pagbalangkas ng mga panukalang may layuning makapagbigay ng sapat at de-kalidad na edukasyon sa mga mag-aaral.
Patuloy nating tinututukan at inaantabayanan ang anumang mga pagbabago, estado at pangangailangan upang manatiling wasto at matagumpay ang pagpapatakbo ng programang libreng kolehiyo sa lahat ng state at local universities at colleges.
Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, kailangan nating masigurong nakukuha ng mga mag-aaral ang wastong kaalaman — sa loob man o labas ng eskuwelahan.
Nabanggit na natin sa mga talakayan noon ang nakababahalang resulta ng Programme for International Student Assessment (PISA) na isinagawa ng Organization for Economic Cooperation and Development para sa mga mag-aaral na nasa edad 15 sa 79 na bansa.
Sa naturang survey o pag-aaral, ang Pilipinas ang may pinakamababang marka sa Pagbasa o Reading Comprehension.
Bukod dito, tayo pa rin ang pangalawang may pinakamababang marka pagdating sa Science at Mathematics.
Dahil dito, naghain ang inyong lingkod kamakailan ng resolusyon upang suriin ng Senado ang sistema at kalidad ng edukasyon sa bansa.
Umaasa tayong sa lalong madaling panahon ay makapagsagawa na ng pagdinig sa Senado upang ihanay ang mga inisyatibong pang-lehislatura sa programa ng Department of Education (DepEd) na “Sulong Edukalidad” na may layong iangat ang kalidad ng edukasyon sa bansa.
Kung noon ay nakatuon ang pansin ng DepEd sa pagbibigay ng ‘access’ sa edukasyon sa lahat ng mag-aaral, ngayon, nilawakan na nila ang kanilang prayoridad dahil hindi na lamang basta ‘access’ ang target kundi ang pagbibigay ng de-kalidad na edukasyon o quality education.
Kung tutuusin, hindi na nakagugulat, ngunit, labis pa ring nakadidismaya ang nakita nating resulta ng 2018 PISA na inilabas noong nakaraang taon.
Sa pangangasiwa natin ng pagdinig, nais nating maunawaan nang husto ang mga hamong kinahaharap upang maibahagi sa kabataang mag-aaral ang de-kalidad at abot-kayang edukasyon na karapat-dapat para sa kanila.
Isa pang layunin ng pagdinig ay masuportahan ang Goal #4 ng United Nations Sustainable Development Goals (SDGs) kung saan nakapaloob dito ang hangaring magkaroon ang bawat kabataan ng de-kalidad at abot-kamay na edukasyon anuman ang kanilang katayuan sa buhay.
Sa pamamagitan ng pagdinig at mabusising pag-aaral, umaasa tayong magkakaroon ng linaw sa mga tanong upang bilang mambabatas ay makagawa tayo ng kongkretong polisiya para sa pagpapatibay ng academic standing ng ating mga mag-aaral.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com





Comments