Retirement benefit sa SSS, puwede nang i-file online
- Buti Na Lang May SSS
- Feb 9, 2020
- 2 min read
Dear SSS, Ako ay 65-anyos at nais kong mag-file ng aking retirement benefit sa SSS. Gusto kong malaman kung mayroong online filing ang retirement claim. Maraming salamat! - Kiko
Sagot Mabuting balita sa aming mga miyembro! Noong July 2015, nagsimulang tumanggap ang SSS ng Retirement Benefit Claim application para sa mga miyembrong umabot na sa kanilang technical retirement age na 65. Mula noong May, 2018, atin pang pinalawig ang mga miyembrong magreretiro na magpa-file sa pamamagitan ng online.
Dahil sa makabagong teknolohiya kung saan halos online na ang mga transactions, ang SSS ay sumasabay sa makabagong digital platforms kung saan may mga social media accounts na rin ito na matatagpuan sa Facebook, YouTube, Instagram o Twitter. Dahil dito, inaanyayahan natin ang mga miyembro lalo na ang magpa-file ng kanilang retirement na i-access ang My.SSS Facility na matatagpuan sa SSS website o sa www.sss. gov.ph. Ang My.SSS ay online service portal na inilunsad ng SSS upang ma-access ng mga miyembro ang kanilang impormasyon tungkol sa kanilang records, 24/7 kahit saan.
Samantala, para makapag-file ng kanilang retirement claim application sa pamamagitan ng online, kinakailangang ang miyembro ay Overseas Filipino Worker (OFWs) at voluntary member ang kanyang estado o umabot na sa 65-anyos pataas sa petsa ng pagpa-file ng kanilang retirement claim application.
Dapat din silang rehistrado sa My.SSS at kung hindi pa, kailangan na nilang magrehistro rito. Kinakailangan ding nakapaghulog na sila ng hindi bababa sa 120 buwanang kontribusyon bago ang semestre ng pagpa-file ng kanilang retirement claim application, walang menor-de-edad na anak at hindi minero o hinete.
Dagdag pa rito ay wala silang natitirang utang sa Stock Investment Loan Program (SILP), Privatization Loan Program, Educational Loan/Vocational Technology Loan. Maaari naman silang mag-file kahit mayroon pang natitirang balanse sa salary o calamity loans, walang naunang naipasa na anumang final claim para sa retirement, death, funeral o total disability at walang kanselado o iba pang Social Security number.
Para makapag-file, mag-log-in lamang sa kanilang My.SSS account gamit ang kanilang rehistradong username at password. Pangalawa, ipasa ang retirement claim application gamit ang “E-SERVICES” menu. Hinihikayat din nating i-update ang kanilang contact information tulad ng mailing address nila sa Pilipinas o sa ibang bansa, telephone number, mobile number at email address.
Matapos matanggap ang retirement claim application, magbibigay ito ng acknowledgment receipt na matagumpay nang naipasa ang kanilang aplikasyon. Maglalabas din ang My.SSS ng claim reference number na maaari nilang i-print para sa kaukulang follow-up. Tatanggap din sila ng abiso sa kanilang email na naipasa na ang kanilang retirement claim application sa pamamagitan ng SSS website.
****
Patuloy naming ipinaaalam sa ating mga retiree pensioners na bukas pa rin ang Pension Loan Program ng SSS para sa inyong panandaliang pangangailangang pampinansiyal. Magsadya lamang sa pinakamalapit na tanggapan ng SSS sa kanilang lugar para sa inyong mga aplikasyon. Makahihiram kayo ng hanggang P200,000 bilang maximum loanable amount na maaaring bayaran hanggang 24 months o dalawang taon.
****
Kung mayroon kayong mga katanungan tungkol sa SSS o mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.
Kung mayroon kayong mga katanungan tungkol sa SSS o mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng email sa mediaaffairs@ sss.gov.ph.





Comments