MMDA: Suspensiyon sa lisensiya ng may 3 traffic violations

Nagmamadali, walang makitang parking at trapik, ito ang kadalasang dahilan ng mga motoristang lumalabag sa mga batas-trapiko.
At kahit tiketan at nagbayad ng multa, basta natubos ang lisensiya, balik sa dating gawi.
Kaugnay nito, pinasususpinde na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Land Transportation Office (LTO) ang lisensiya ng mga motoristang meron nang tatlo o higit pang traffic violations noong nakaraang taon.
Sa Quezon City, naitala noong Enero ang 5,290 paglabag sa reckless driving and disobedience to traffic signs.
Base sa datos ng MMDA noong parehong buwan, mahigit kalahati ng 29,578 traffic violations ay nagmamadali kaya gumagamit ng yellow lanes ang mga pribadong sasakyan.
Giit naman ng MMDA, hindi patas na magrason sa bawat paglabag. Samantala, sunod na pinakamaraming paglabag ay ang pagpa-park sa no parking zones na paulit-ulit ginagawa ng maraming motorista.
Ayon sa ilang motorista, wala naman silang choice kundi pumarada sa ilang lugar kahit bawal dahil kulang sa parking spaces ang ilang establisimyento kaya ang eksena tuloy, ‘pag walang “bantay”, magpa-park sila at kapag may dumating na enforcer ay agad-agad na aalis sa puwesto.
Kaya para bigyang-diin ang batas, ipinasususpinde na ng MMDA sa LTO ang lisensiya ng 12,000 traffic violators na may tatlong paglabag o higit pa noong nakaraang taon.
Gayundin, depende na umano sa traffic adjudication board ng LTO kung tatanggapin nila ang paliwanag na trapik o walang maparadahan kaya sila lumabag.
Paalala natin sa lahat, hindi porke hindi pa nasosolusyunan ang problema sa trapik at kakulangan sa parking spaces ay iisnabin na ang batas-trapiko. ‘Yan ang problema sa atin, galit na galit tayo sa mga lumalabag sa batas, pero kapag tayo ang lumabag ay mangangatwiran pa.
Sino ba ang may gusto na pumila at magbayad ng multa sa traffic violation? Hindi ba, wala naman, pero bakit paulit-ulit tayong lumalabag?
Masyado nang maraming sakit sa ulo sa bansa kaya dapat lang na sampulan ang mga ito nang hindi na madagdagan pa.
Panahon na para bawasan ang mga pasaway sa kalsada kaya sana, walang sasantuhin ang mga kinauukulan.
Kung hindi sasapat ang pagsuspinde sa lisensiya para magtanda, mas mabuting tuluyan nang bawiin ang lisensiya para hindi tularan ang mga walang disiplina.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments