Buwis-buhay sa pagliligtas ng buhay
A pagkakataong ito, nais nating mabigyan ng pansin ang mga doktor, nurse at lahat ng health worker na nagsisikap na mapigilan ang pagkalat ng 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (2019 nCoV ARD).
Sila ang humaharap sa mga pasyente na hindi natin alam kung positibo o negatibo sa virus, ‘ika nga, sila man ay buwis-buhay.
Kaya hindi natin sila masisisi kung manawagan para sa mga bagay na magbibigay naman ng proteksiyon sa kanila laban sa nCoV. Tulad ng mga personal protective equipment — face mask, gloves at mga gamot na kailangan para hindi basta mahawa o magkasakit.
Kung hindi sila agad mapagtutuunan ng pansin, paano na lang kung sila ay mahawa? Sino na ang aasahan nating gagamot sa mga pasyente? Paano pa maiiwasan ang bantang pagkalat ng nCoV sa bansa at sa buong mundo?
Panawagan sa ating gobyerno, ito na ang pagkakataon para makabawi sa ating mga health worker na mas pinipiling maglingkod sa sariling bayan sa kabila ng pagkakataong puwede silang kumita ng mas malaki sa ibang bansa.
Sa pagkakataong ito, hindi lang sarili ang kanilang iniaalay kundi maging ang panahon na para sa kanilang pamilya.
Huwag nating balewalain ang kanilang pagsasakripisyo, magpasalamat tayo at ibigay ang nararapat para sa ating mga buhay na bayani.
Samantala, saludo rin tayo sa tinaguriang “The Brave 5”, ang medical team na nagtungo sa Hubei, China, ang episentro ng nCoV. Kinabibilangan ito ng dalawang nurses na sina Rowell Divinagracia at Jay Juan; medical technician na si Elmer Collong; doktor na si Oliver Macalinao at isa pang doktor mula sa Bureau of Quarantine. Sila ang magbabantay sa kalagayan ng mga kababayan nating ire-repatriate mula sa China.
Sa kabila ng kaba, mas nanaig sa kanila ang matulungan ang mga kapwa Pinoy na makauwi ng bansa. ‘Ika nga nila, mas nananalaytay ang pagiging Pinoy na naglilingkod at tumutulong, walang iwanan.





Comments