top of page

Binunot ang mga bulok na ngipin, senyales na dapat nang tanggalin ang pangit na ugali

  • Socrates Magnus
  • Feb 9, 2020
  • 2 min read

Salaminin natin ang panaginip ni Amichaels ng Amichaels_Ravara@face-book.com

Dear Professor, Nanaginip ako na binunot ko ‘yung ngipin ko na bulok at kamay lang ang ginamit ko.

Biglang nalagas na lahat ng ngipin ko, tapos maganda na agad ‘yung gilagid ko at parang natuwa pa ako at makakapagpapustiso na agad ako. Ano ang ibig sabihin nito?

Naghihintay, Amichaels

Sa iyo Amichaels, May kani-kanyang panahon ang mga aktibidad ng tao sa mundo. Ito ang nakasulat sa Bible at ito rin ay madalas na pinapangarap ng mga dakilang tao na lumitaw sa balat ng lupa.

Kaya masasabing ang mga taong nagtagumpay at nagtatagumpay ay isinasabuhay ang nasabing katuruan.

Pero ang mga bigo at mabibigo pa lang ay hindi naniniwala sa aral na ito kaya sila ay makikitang sugod nang sugod kung saan ang kanilang kinakapitan ay ang “Kung ano ang gusto kong mangyari sa buhay, ‘yun ang gagawin ko.”

Sila ay naniniwala na sila mismo ang gagawa ng kanilang kapalaran kaya wala silang pinaniniwalaan kundi ang kanilang mga sarili lamang.

Nakakaawa ang mga taong ganito ang pananaw dahil sila ay mapabibilang sa marami na nakaranas ng masaklap na kabiguan.

Sabi ng panaginip mo, dumating na ang panahon para sa iyo na ang iyong mga kahinaan, kapintasan at hindi magagandang gawi ay makakaya mo nang tanggalin.

Sa totoo lang, napakahirap sa isang tao na baguhin ang kanyang sarili at sobrang hirap din na matanggap niya na siya ay mahina, may kapintasan at hindi namumuhay nang matuwid.

Pero ang panaginip ay nagsasabing sa kasalukuyan, alam mo ang iyong mga kahinaan kaya hindi ka na rin mahihirapang magkaroon ng bagong buhay. Kumbaga, isang bagong ikaw ang makikita ng mga tao at masasabi rin na nalalapit na ang iyong pagtatagumpay.

Hanggang sa muli, Professor Seigusmundo del Mundo

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page