Pacman Fight: Garcia muna bago si Floyd

Inihayag ni Hall of Famer at legendary trainer Freddie Roach na magkasalungat ang kagustuhan nilang dalawa ni Eight-Division World Champion Manny “Pacman” Pacquiao hinggil sa susunod na laban nito sa pagbabalik boxing ring ngayong taon.
Ayon sa long time boxing trainer, nais niyang makatapat muna ni Pacquiao si two-division world champion Danny “Swift” Garcia, ngunit, malaki pa rin ang pag-aasam umano ng Fighting Senator na makatapat muli si undefeated-retired Floyd “Money” Mayweather para sa blockbuster rematch. “In his next fight, I would like him to fight Danny Garcia, that is my number one pick for Pacquiao,” wika ni Roach sa panayam ng Little Giant Boxing. “Manny would like to fight Mayweather one more time,” dagdag nito.
Tingin ng 59-anyos na dating professional boxer na mahihirapan na muling maganap ang blockbuster rematch ng Pac-May dahil sa maaring natakot na umano si Mayweather sa kakayanan ng World Boxing Association champion Pacquiao matapos nitong talunin ang dating kampeon nito na si Keith Thurman.
Sapol nang matalo ang Pambansang Kamao sa American boxer/promoter sa binansagang “Battle for Greatness” noong Mayo 2, 2015 sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada sa pamamagitan ng 12-round unanimous decision victory ng huli ay hindi na tinantanan ng buong mundo ang pagsasagupa nila sa ibabaw ng ring. “Can we get Mayweather back in the ring? I don’t think so. I think he is a little scared of Manny Pacquiao since we beat [Keith] Thurman so easily,” pahayag ni Roach.
Bukod kina Garcia at Mayweather, matunog ding idinidikit sa Pambansang Kamao si International Boxing Federation (IBF) at World Boxing Council (WBC) welterweight champion Errol “The Truth” Spence Jr para sa unification bout. Naniniwala si Roach na karapat-dapat lamang ang mga makakatapat ni Pacquiao at tanging mga malulusog at walang problema sa kanilang pangangatawan. Naging halimbawa ni Roach si Spence na kasalukuyan pa ring nagre-recover sa natamong minor injuries nito sa crash accident noong isang taon.





Comments