Mga Chinese, Korean, Vietnamese at Pinay, ibinubugaw.. Hotel na sex den, buking
- Gina Pleñago
- Feb 8, 2020
- 1 min read

Photo: Abs-cbn News
Nailigtas ng mga awtoridad ang 31 babaeng may iba’t ibang nasyunalidad nang salakayin ang umano’y prostitution den sa isang hotel sa Makati City.
Alas-10:50 ng gabi nang magkasa ng rescue operation ang PNP-WCPD, SIDMS, DOLE at Makati Social Welfare Division sa 88 Hotel Guerrero St., Bgy. Poblacion na sanhi ng pagkakasagip 31 babae.
Batay sa report, sa 31 babae, 18 rito ang Chinese, isang Korean, isang Vietnamese at 11 Pinay na massage therapists.
Unang nakatanggap ang mga awtoridad ng impormasyon kaugnay sa human trafficking sa nasabing hotel at natuklasang ginagamit umanong sex den.
Napag-alaman na ang 11 Pinay massage therapists ay nasagip din na umuokupa sa ikalawang palapag ng hotel.
Sa isang kuwarto, narekober ang gamit na condom at isang babaeng Chinese ang na-rescue mula rito.
Sinasabing P25,000 ang bayad sa bawat babaeng dayuhang mapipili ng parukyano sa chat kapalit ng panandaliang-aliw sa naturang hotel.
Samantala, walong Chinese customers ang hinuli sa loob ng naturang sex den at isinasailalim sa imbestigasyon habang walang nadakip na maintainer o operator sa nasabing establisimyento.





Comments