top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Audio at video recording ng Grab, labag sa privacy ng mga pasahero, pinalagan

Ryan B. Sison
Feb 8, 2020
2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Hindi pabor ang ilang pasahero ng Grab sa pilot testing ng audio and video recording ng kanilang mga biyahe.

Ito ay dahil tila nilalabag na umano ng Grab ang kanilang privacy dahil hindi nila alam kung sino ang maaaring makakita kung ano ang nangyayari sa loob ng kotse.

Gayunman, sang-ayon ang National Privacy Commission (NPC) dahil tila natatapakan na umano ang privacy ng mga pasahero, lalo na kung hindi malinaw kung sinu-sino ang nakakikita sa audio and video recording.

Paliwanag ng Grab, limitado ang access ng recording sa safety and security team ngunit, hindi pa kumbinsido ang NPC kaya ipinahinto nito ang pilot testing ng recording system.

Dagdag pa ng Grab, para ito sa seguridad ng pasahero at driver, lalo na kapag may insidente ng hindi pagkakaunawaan. Halimbawa, ang pagtataas ng boses ng pasahero at sasabihin na driver ang nagsimula pero iba naman ang sinasabi ng driver.

Sa mga ganitong insidente umano mapakikinabangan ang in-vehicle recording dahil mas madaling mareresolba ang maliit na hindi pagkakaintindihan ng dalawang panig.

Hirit ng NPC, tila hindi rin malinaw sa mga pasahero na may recording sa sasakyan, pero sabi ng Grab, may lumalabas na notice kapag nag-book at kung hindi papayag ang pasahero sa recording, puwedeng kanselahin ang booking nang walang penalty at bibigyan ng panibagong sasakyan na walang recording capabilities.

Pero no choice ang Grab kaya tinanggal muna nila ang recording system sa mahigit 100 sasakyan na ginamit sa pilot testing at kukumbinsihin umano nila ang NPC sa kahalagahan ng recording system.

Nauunawaan nating gusto ring protektahan ng Grab ang kanilang mga driver, pero pakinggan din natin ang opinyon ng mga pasahero.

Hindi pa kumbinsido ang NPC sa hakbang na ito ng Grab, mabuting pag-aralan muna kung paano mapoprotektahan ang pasahero at driver nang walang natatapakang privacy.

Kasabay ng pagbibigay ng seguridad sa bawat isa, ‘wag nating kalimutan na kailangan din nating protektahan ang privacy nating lahat.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page