Kalbaryo ng mga biktima ng Taal, tuloy!
- BULGAR

- Feb 7, 2020
- 1 min read
Patuloy ang paglindol sa Bulkang Taal na senyales ng paggalaw ng magma sa loob nito.
Batay sa Taal Volcano Bulletin ng Phivolcs, 132 paglindol ang naitala sa nakalipas na magdamag.
Kaugnay nito, nananatiling nakataas pa rin ang Alert Level 3 sa Taal Volcano.
Kaya patuloy din ang paalala sa mga residente na mag-ingat at palaging alerto sa babala ng mga awtoridad. ‘Pag sinabing mag-evacuate ay sumunod na at huwag nang matigas ang ulo.
Samantala, inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang ibigay na muna sa mga nabiktima ng pagputok ng Bulkang Taal ang 5,400 na pabahay na para sana sa mga personnel ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa Batangas, Laguna, Cavite at Quezon.
Napag-alaman na nasa anim hanggang pitong libong pamilya na naninirahan sa 7 kilometer radius ang nawalan ng tahanan matapos ang pagsabog kaya napakalaking tulong ito para makapagsimula.
Batid natin ang hirap ng pamumuhay sa mga evacuation center. Walang sapat na supply ng tubig, kapos sa pasilidad at lantad din sa iba’t ibang sakit. Kaya nakapanlulumo ‘pag may mga balitang matapos makaligtas sa kalamidad ay sa evacuation center naman namatay.
Kung hindi mabibigyan ng pabahay ang bawat biktima ng kalamidad, malaking bagay na rin sana kung matutuloy ang pagpapatayo ng mga evacuation center sa bawat lungsod o lalawigan — mas malaki, kumpleto sa pasilidad at mas ligtas.





Comments