IM Garcia, nangwawasiwas sa PSC-NCFP chess sa Q.C.

Solo pa rin sa pag-alagwa si International Master Jan Emmanuel Garcia pagkatapos ng pitong rounds bitbit ang limang puntos sa ginaganap na Philippine Sports Commission (PSC) - National Chess Federation of the Philippines (NCFP) Selection Chess Championships sa Project 6, Quezon City.
Sinikwatan ni Garcia, may rating na 2427, ng mga panalo sina IM Barlo Nadera, FIDE Master Stephen Rome Pangilinan at untitled Israelito Rilloraza bukod pa sa pagkuha ng tigka-kalahating puntos mula sa mga tabla laban kina IM John Marvin Miciano, IM Ricardo De Guzman, NM Rhenzi Kyle Sevillano at si John Jasper Laxamana.
Nakabuntot sa likod ni Garcia para sa pangalawang puwesto sina De Guzman, Laxamana at FM Alekhine Nouri dahil sa rekord nilang tig-3.5 puntos. Sa kababaihan, anim na puntos ang naging sandalan nina Woman IM Marie Antoinette San Diego at WIM Bernadette Galas para sa pagsasalo sa liderato.
Samantala, sa Bluewave Marquinton Kiddies Chess Championships sa Lungsod ng Marikina, nakaldag si Al-Basher Buto ng 5th seed na si Mark John Baliwag sa pangalawang round pero tinuntungan ng una ang kanyang naiposteng apat na panalo at mas makinang na tiebreak points para makuha ang korona. Sa kabuuan, may apat na puntos si Buto. Ang pre-Tournament favorite na si Cyrus James Damiray ay pumangalawa. Sa Mandaluyong City, bumandera sina Joseph Lawrence Rivera at Hans Ezekiel Olorosisimo sa Metropolitan Chess Club Youth Standard Open Tournament matapos silang kapwa makakolekta ng tig-5.5 puntos. Si AGM Srihaan Podaan naman ang nakakuha ng huling upuan sa podium.





Comments