top of page
Vico Sotto - FB.jpg

Dinala raw sa probinsiya ng padir ng anak… Empress, kumanta sa kakaibang naranasan nung bagong taon

  • Julie Bonifacio
  • Feb 7, 2020
  • 2 min read

Inanggihan ni Empress Schuck ang isang movie offer sa kanya recently with a valid reason. Isang indie film daw ito na wala pang title.

“Hindi ko siya kayang gawin,” malungkot na sabi ni Empress.

Sexy ba ‘yung movie kaya tinanggihan niya?

“Oo, as in puro sex,” natatawang say ni Empress.

Hindi na rin daw niya inalam kung sino sana ang makaka-partner niya.

“Wala, hindi pa umabot sa ganu’n. Parang ipinabasa lang muna ang script. Hindi ko pa kaya ‘yung ganu’n,” tawa ulit niya.

Kahit may anak na si Empress, nananatili pa rin naman ang pagiging wholesome actress niya. At ‘di naman sexy star ang image niya sa showbiz.

“Hindi pa ganu’n kalakas ang loob ko. Kasi, bawat eksena, may sex, eh,” aniya.

Kahit ‘di niya tinanggap ang naturang movie offer, may mga pelikulang natapos na niyang gawin na ‘di pa naipapalabas tulad ng Lumang Bakal na pinagbibidahan ni Lito Lapid, at ang A Mother’s Story ni Snooky Serna.

“Hindi pa lahat ipapalabas, baka ine-edit pa,” sambit ni Empress.

Itinanggi naman ni Empress na ang partner at ama ng anak niyang si Athalia na si Vino Guingona ang dahilan kaya iwas siya sa mga paseksi na role sa pelikula.

“Ah, hindi. Hindi rin niya binabawalan. Ako pa rin ang may sagot. Pero, ayoko.”

Eksklusibo naming nakapanayam si Empress sa grand opening ng ikalimang branch ng kanyang company-owned business na King’s Cup Blends sa SM Center/Hypermart sa Las Piñas.

Tinanong namin siya kung nabawi na ba niya ang puhunan na in-invest niya sa King’s Cup Blends.

“Oo, naman,” diin niya.

“Ano lang naman, kailangan lang paikutin, saka huwag galawin para hindi mawala. Ako, hindi ko ginagalaw ‘yun. Lahat kami, ayun ang ginagawa namin nina Andre (Lim, her business partner).”

After ng SM Center/Hypermart branch nila, target nilang makapagbukas ng 20 King’s Cup store or more than pa ngayong 2020.

Samantala, kinumusta namin ang pagse-celebrate ni Empress ng Pasko at Bagong Taon.

“Masaya, Tita. Nag-celebrate kami ng Christmas dito lang, sa house ng parents ko. New Year, doon kami sa Sarangani (bayan ni Vino).”

First time raw niyang nag-celebrate ng New Year sa Sarangani.

“Okey lang. Masaya naman. Kasi, wala siyang internet, walang signal. So, kailangang pumunta ka sa town, mga 10 minutes para may internet ka. Okey siya, kakaiba siyang experience. Kasi, ‘di ba, sanay na sanay tayo sa cellphone natin, internet, ganyan? So, unwind kapag nandu’n.”

Ano ang regalo sa kanya ni Vino?

“Wala. Ini-request ko lang mag-shopping, ganyan. Hahaha!”

Ayaw daw kasi niya ng surprise gift. Mas gusto nila ‘yung inaalam na kung ano ‘yung gustong iregalo nila sa isa’t isa.

“So, nagtanungan lang kami. Walang surprise-surprise. Dito na kami sa Manila nag-shopping kasi wala namang mall doon. Kaya after New Year na kami nagregaluhan, para naka-sale raw,” natatawang kuwento ni Empress.

In return, niregaluhan naman ni Empress si Vino ng damit na pang-workout.

Next week, Valentine’s Day na kaya inalam namin ang plano nila ni Vino.

“Wala, hindi naman kasi kami ganu’n, eh. Ang Valentine’s namin, dinner lang. Minsan nag-i-staycation. Actually, ‘yung last ano namin sa Tagaytay, eh,” tsika pa ni Empress.

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page