top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

PhilHealth, 25 years na!

PhilHealth Official
Feb 13, 2020
3 min read

Kasabay ng paggunita ng araw ng mga puso ay ang pagdiriwang ng ika-25 taong anibersaryo ng PhilHealth na may temang “PhilHealth@25: Pinatatag na Segurong Pangkalusugan sa bawat Filipino”. Bukod dito, ang buong buwan ng Pebrero ay itinalaga din bilang Buwan ng Pambansang Segurong Pangkalusugan o National Health Insurance Month sa bisa ng Proclamation No.1400 noong 2007. Ito ay bilang pagkilala sa napakahalagang papel na ginagampanan ng programa sa buhay ng mga Filipino.

Simple lang ngunit makabuluhan ang magiging pagdiriwang ngayong taon dahil nais ituon ng PhilHealth ang buong pansin nito sa mga programang ilulunsad para sa mga miyembro kaugnay ng pagkakapasa ng Universal Health Care Law.

Lalawig ang selebrasyon hanggang sa buwan ng Marso. Sa kauna-unahang pagkakataon ay magkakaroon ng PhilHealth National Quiz Bee na lalahukan ng mga estudyante mula sa Grade 10 hanggang Grade 12 mula sa mga pribado at pampublikong eskwelahan. Layunin ng paligsahan na masuri ang pagiging epektibo ng pagtuturo ng PhilHealth modyul sa kurikulum mula sa basic hanggang tertiary education. Pero higit dito, ito ay investment ng PhilHealth sa mga kabataan para maaga nilang matutunan ang halaga ng social health insurance para sa kapakanan ng kalusugan ng pamilyang Filipino. Naglaban-laban na ang mga paaralan sa regional level noong mga nagdaang buwan at ang mga nagwagi ang siyang maghaharap sa national level.

Ang mga magkikita-kita sa national level ay ang Rizal High School mula sa NCR; San Juan National High School mula sa Ilocos Sur; Oriental Mindoro National High School mula sa Oriental Mindoro; Alang-Alang National High School mula sa Leyte; at Daniel R. Aguinaldo National High School mula sa Davao City. Kapana-panabik na papremyo ang naghihintay sa mga magwawagi.

Magsasagawa din ng simpleng programa bilang pasasalamat sa mga miyembro, stakeholders at partners na nagbigay ng makabuluhang kontribusyon sa programa ng PhilHealth. Sa nakaraang 25 taon ay malaki ang naiambag ng ating mga partners sa katatagan ng programa na ngayon ay pinakikinabangan ng milyon-milyon nating mga kababayan dito at sa iba’t-ibang panig ng mundo.

Ang nakaraang taon ay maituturing na isa sa pinakamahalagang yugto sa kasaysayan ng PhilHealth dahil sa Universal Health Care. Ito ay isang malawakang pagbabago o reporma sa sektor ng kalusugan na naglalayong bigyan ang bawat Filipino ng access sa de-kalidad at abot-kayang serbisyong kalusugan na hindi kailangang maghirap dahil sa gastos. Sa UHC ay muling papaimbulog ang inyong PhilHealth pagdating sa pagseseguro sa gastusin sa pagpapagamot ng marami nating kababayan. Pero higit dito ay ang malaking ambag nito para maiwasan ang pagkakasakit sa pamamagitan ng ikinakasa nitong programa para sa primary care. Abangan ninyo ito mga katropa sa mga susunod naming kolumn para sa buong detalye.

Sinikap din ng PhilHealth na makasabay sa makabagong teknolohiya upang mapabilis ang mga transaksyon nito. Ang ilan sa mga ito ay ang pagpapatupad ng Electronic Premium Remittance System at Online Payment System para sa mga employers, ang e-claims para sa elektronikong pagsusumite ng claims ng mga accredited health care providers, at iba pa. Bukod dito ay pinasimple natin ang availment sa mga ospital dahil sa PhilHealth Portal kung saan nalalaman kaagad ang eligibility ng pasyente sa benepisyo.

Siyempre, tinutukan din ng PhilHealth ang pagpapalawig ng mga benepisyo para sa mga miyembro nito. Inilunsad ang Z Benefits, ang case rates, maging ang No Balance Billing. Malaking bahagi ito sa buhay ng bawat Filipino sa oras ng pagkakasakit.

Ngayong taon, prayoridad ng PhilHealth na maisakatuparan ang mga programa sa ilalim ng UHC. Ang paggunita ng 25 taon ng PhilHealth ay isang patunay ng totoo at taos-pusong paglilingkod nito sa bawat Filipino.

Happy anniversary, mga katropa!

GUSTO MO BANG MANALO NG SORPRESANG REGALO? SAGUTIN LANG ANG TANONG NA ITO?

Ika-ilang taong anibersaryo ang ipinagdiriwang ng PhilHealth ngayong taon at ano ang tema ng selebrasyon?

Ang unang tatlong makakapag-email ng tamang sagot ay mananalo ng sorpresang regalo mula sa PhilHealth. Mag-email sa alagangphilhealth@gmail.com

Sali na!

Para sa mga katanungan:

Tel: (02) 8441-7442

Mail: actioncenter@philhealth.gov.ph

Fb: fb.com/PhilHealthofficial

Twitter: teamphilhealth

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page