top of page

Pagtangkad, puwedeng mamana sa magulang pero mas epektib ang sapat na tulog at pahinga

  • Shane Ludovice
  • Feb 6, 2020
  • 2 min read

Dear Doc. Shane, Nasa lahi namin ang pagkakaroon ng mababang height at hindi rin matangkad ang BF ko. Gayunman, kung sakaling kami ang magkatuluyan at magkaanak kami, may chance ba na maging matangkad ito? Totoo ba ‘yung mga food supplement na pampatangkad? - Grace

Sagot Ayon sa mga pag-aaral, ang karaniwang taas ng kalalakihan sa Pilipinas ay 163.5 cm o 5’4.4", samantalang, ang kababaihan naman ay 151.8 cm o 4’11.8". Ang karaniwang taas na ito ay naaapektuhan ng ilang salik kaya mayroong mga taong likas na matangkad at mayroon din namang likas na mababa.

Ang taas ng tao ay naaapektuhan ng genes, may pamilyang likas na matatangkad at mayroon ding pamilya na mababa lamang ang height. Kapag ang mga magulang ay parehong matangkad, hindi malayong manahin ito at lumaking matangkad ang kanilang mga anak. Gayundin, kung maliit ang mga magulang, may posibilidad na maging maliit din ang kanilang anak.

Minsan, kahit maliit ang mga magulang, mayroong anak na naiiba at biniyayaan ng tangkad. Posible itong mangyari lalo na kung isa sa mga ninuno ng mga magulang ay matangkad din.

Bukod sa salik na ang tangkad ay namamana, may ilan pang bagay na nakaaapekto sa tangkad ng tao. Kabilang dito ang nutrisyon na nakukuha sa panahon ng pagbibinata o pagdadalaga kung saan pinakaaktibo ang pagtangkad ng tao.

Sa panahong ito, dapat mataas at tuluy-tuloy ang nutrisyon na nakukuha ng katawan mula sa mga pagkain, bitamina at food supplement sapagkat mataas ang pangangailangan ng tumatangkad na katawan sa mga ito. Makaaapekto rin ang mga karamdaman na maaaring maranasan sa panahon ng pagdadalaga at pagbibinata. Maaaring agawin ng karamdaman ang nutrisyon na dapat para sa tumatangkad na katawan.

Sinasabing para sa mga babae, ang pagtangkad ay nagsisimula sa edad na 9 hanggang 10, habang sa mga lalaki naman ay sa edad na 11. Pinakaaktibo ang pagtangkad sa edad na 11 o 12 sa kababaihan, habang sa edad na 13 naman sa kalalakihan.

Samantala, humihinto naman ang pagtangkad pagkatapos ng puberty stage. Nangyayari ito sa edad na 15 hanggang 17 para sa mga babae at 16 hanggang 17 naman sa mga lalaki.

Tandaan, na ang puberty stage sa bawat tao ay nag-iiba-iba depende sa kung gaano kataas ang mga level ng hormones sa katawan, maaaring magsimula ito nang maaga at matapos din nang mas maaga o kabaligtaran.

Ang susi para lalo pang tumangkad ay ang pananatiling malusog ng katawan nang may sapat na pahinga. Upang maging malusog, dapat kumpleto at sapat ang nutrisyon na nakukuha mula sa mga pagkain sa bawat araw at higit itong kailangan sa panahon ng puberty. Dapat kumpleto rin ang tulog na hindi bababa sa 8 oras. Ang mga supplement at gamot na nagsasabing nakatatangkad ay walang garantiya na talagang makapagpapatangkad.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page