Military, takot din sa nCov
KAPAG STOP NA ANG nCoV, TULOY ANG PALARONG PAMBANSA — Nilinaw ng Department of Education (DepEd) na kung masasawata agad ang 2019 novel coronavirus - acute respiratory disease (2019 nCoV-ARD), tuloy ang Palarong Pambansa ngayong Mayo 2020. Gayunman, ang mga kumpirmadong postponed ay ang mga events na gagawin ngayong Pebrero na kinabibilangan ng National Schools Press Conference (NSPC), National Festival of Talents (NFOT) at National Science and Technology Fair (NSPC).
Kaya sa mga mag-aaral na kabataang atleta, tuluy-tuloy lang ang practice para sa Palarong Pambansa, period!
◘◘◘
MILITAR, ATRAS SA nCoV—Matapos isara ng Presidential Security Group (PSG) ang mga pasyalan sa Malacañang kaugnay sa pagkalat ng 2019 nCoV-ARD, sinuportahan ng Department of National Defense (DND) ang desisyon ng Philippine Military Academy (PMA) na kanselahin ang PMA Alumni Homecoming ngayong Feb. 14 hanggang Feb. 16.
Sa isyung ‘yan, paano susunod ang mamamayan na kumalma sa banta ng deadly virus, gayung maging ang militar ay natatakot din? Boom!
◘◘◘
TASK FORCE AGAINST 2019 nCoV-ARD, DAPAT ITATAG—Hindi dapat i-bash ang isang netizen dahil lamang napagkamalan niyang Chinese na may 2019 nCoV-ARD ang Koreanong lasing na bumulagta sa Taft Avenue.
Sa post niya sa social media, nalaman ng publiko na hindi handa ang gobyerno sa 2019 nCoV-ARD dahil sinabi nitong tumawag sila sa emergency hotlines na 143, 911, Red Cross-Manila, Ospital ng Maynila, police station at sa barangay, pero hindi agad rumesponde, marahil sa takot na mahawahan ng virus.
Paano kung positibo talaga sa deadly virus ang lalaking ‘yun at nagpagala-gala sa Kamaynilaan, malamang marami nang nahawang Pinoy?
Sa isyung ito, dapat bumuo ng task force against 2019 nCoV-ARD ang gobyerno at maglagay ng emergency hotlines para alam ng publiko kung saan tatawag kapag may ganitong mga insidente, period!
◘◘◘
MGA SMUGGLERS NA NAGPUPUSLIT NG UKAY-UKAY, BANTAYAN SA BUREAU OF CUSTOMS—Hindi lang ang mga Chinese na posibleng may 2019 nCoV-ARD ang dapat bantayan ng mga awtoridad na huwag makapasok sa bansa kundi maging ang mga smugglers sa Bureau of Customs.
Alam n’yo naman ang mga smugglers, palaging kuwarta ang nasa isip at wala silang pakialam sa kalusugan ng publiko basta makapagpuslit lang ng mga pagkakakuwartahan, boom!





Comments